Pre-war Antipolo Church |
Nagttrabaho pala siya noon sa Cathedral ng Antipolo. Sa pagkaalala ko, bilang isang clerk. Noong araw na yon na hindi siya pumasok ay ang araw na binomba ang simbahan. Sa pagkkwento nya na yun, parang wala lang impact na parang suerte lang at nagkataon. Tapos tumingin ako sa paligid namin na puno ng mga kamag-anak, mga tiyo at tiya, mga pinsan at mga pamangkin. Itong buong angkan na ito ang nakaligtas ng araw na yon na hindi naging biktima ng pambobomba si Lola Mamang.
Takan na kabayo |
Noong maliit pa kami at kami pa lang ni Rowell na kapatid kong lalaki ang anak ng mga magulang namin, binibisita kami ni Lola Mamang noon sa Antipolo lalo na tuwing Mayo. Nagsisimba siya madalas kasama ng pamangkin at apo. Tuwing dumadalaw siya, may pasalubong siya lagi. Ang binibili nya sa aming laruan ay binili nya rin doon mismo sa bilihan ng pasalubong sa may Simbahan. Pero kahit pa dito sa Antipolo lang binili, tuwang tuwa kami ni Rowell dahil hindi naman din kami nagkakaroon ng mga ganoong bagay kahit malapit lang ang bilihan. Baril-barilan na gawa sa kahoy na may maingay na tunog pag pinapaikot ang hawakan. Meron ding kabayong paper mache na pininturahan ng pula at iba pang kulay. Meron ding gitarang maliit o kaya naman ay laruang palayok na puede talagang apuyan at nilulutuan namin ng tubig at dahong pinitas lamang sa paligid. Iba talaga ang mga lola at lolo pagdating sa apo. Lola pa namin yon sa tuhod. Nakakamiss din si Lola Mamang. Wala na siya ngayon. Pumanaw siya ilang taon na ang nakakalipas.
Modern Antipolo Cathedral |
Bukod pa sa kanya, naabutan ko rin si Lola Cion na nanay naman ng lola ko sa tatay ko. Hindi kami nagkaroon masyado ng bonding ni Lola Cion pero mabait at maalalahaning lola din namin siya. Tuwing reunion ay kasama namin siya sa Sampaloc. Naabutan pa ni Mik at Kayla ang lola Cion pero nung panahong nagiging sakitin na rin siya noon. Pero malaking bagay para sa kin ang mag-abot pa sila kahit di pa man nagkakaisip ang mga anak ko, makikita nila balang araw sa larawan na nakadaupang palad nila ang lola ng lolo nila. Pumanaw na rin ang lola Cion noong isang taon. Sayang nga kasi may pamangkin na ako sa pinsan na nagkaanak na rin ngayong taon. Kung nagkataon, pang anim na henerasyon sana silang nag-abot.
Si Lola Mamang at Lola Cion. Larawan sila ng mga karaniwang lola na nakilala rin marahil ng marami sa inyo. Maaalahanin sa mga apo, mapagmahal, madasalin, masayahin. Pag sila ang kaharap at kausap mo, parang walang problema ang mundo. Bawat kulubot sa balat nila ay may kwento. Bawat puting buhok ay may alaala na makakahugot ng interes ng mas batang henerasyon. Mapalad ako na naabutan ko sila. Mapalad din ako na isiping ang mga desisyon nila noon ang naging rason kung bakit andito ako ngayon. Salamat sa mga lola at lolo natin.