Saturday, August 13, 2016

MRT Serye: The Real Story of Karla and Ryan (Part 4)

Hindi agad bumangon si Karla mula sa pagkakabagsak sa sahig. Hindi rin nya inabot ang kamay ng lalake na nakabangga nya. Takot at hiya ang nararamdaman nya ngayon sa sarili at para bang wala na siyang pakialam sa mundo. Gusto na lang nya na maglaho na parang bula at mawala ng tuluyan sa paningin ng iba dahil nga sa mga nangyari sa loob lang ng isang araw.


"Miss? Sorry talaga. Pasensya na at di rin ako masyadong nakatingin sa dinadaanan ko. May masakit ba sayo? Samahan kita sa may clinic dun sa may Cybermall. Lakad lang tayo ng konti. Pasensya na talaga miss." Pag-aalala ng lalakeng nakabangga.

Tumayo si Karla ng mag isa at dumiretso naglakad palabas ng coffee shop. Nagulat ang lalake at siya'y sinundan. Bago pa man nakalayo si Karla, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Wala sa sariling huminto sa gitna ng malakas na pagbuhos si Karla at kasabay ng patak ng ulan ang kanyang luha sa mga mata. Hindi nya napansin na sumunod sa kanya ang lalake at binuksan ang dala nitong payong para siya ay masilungan.

"Miss, baka imbes na bali sa buto, e sipon o trangkaso naman ang maging sakit mo. Kasalanan ko lahat ito. Wag ka na magpabasa, sumilong na muna tayo dun. Wala ka bang ibang kasama? Gusto mo samahan na muna kita ngayon? Mukhang mas mabigat pa sa pagkakabangga ko sa yo kasi yung dinadala mo."

Biglang parang bumalik ang senses ni Karla sa mundo. Sa narinig nya mula sa lalake, napagtanto nya na hindi naman pala lahat ng tao ay kilala na siya dahil sa nangyari. Pero naisip nya pasasaan ba't malalaman din ng lalakeng ito kung sino sya. Pero sa unang pagkakataon matapos ang nangyari kahapon, nagawa nyang lumingon at humarap sa isang estranghero nang walang takot. Nakita nya ang di katangkarang lalake, tantya nya ay mga 5'6" ang taas. May kapayatan pero maaliwalas ang mukha, mabilog na mga mata at di masyadong katangusan na ilong. Nakangiti itong nakatingin sa kanya subalit kita ang bahid ng pag-aalala.



"I'm sorry at sa ganitong paraan pa tayo nagkakilala. Anong name mo miss? Gerald." Pagpapakilala ng lalake sa kanya sabay abot ng kamay.

"I'm Karla. Salamat. Wala ka naman dapat ipagsorry. Kanina ka pa nga nagsosorry sa kin. Ako naman din ang may kasalanan at nagmamadali akong lumabas kanina kaya yan, nabangga kita." Sabay abot din ng kamay para makipagshake hands. At sa unang pagkakataon ay napangiti muli siya.

"Ayan, nagsmile ka na. Simula kanina kasi ay puro pag-iyak lang ang nakita ko sa yo. Lipat na kaya muna tayo dun sa may silong. Masyado na malakas ang ulan at maliit lang ang payong ko." Sagot ni Gerald.

"Sige, pero baka puede bitawan mo rin muna yung kamay ko?" sa tonong hindi naman galit pero nakikiusap na may ngiti pa rin ni Karla.

Natawa si Gerald sabay bitaw sa kamay ni Karla "Ay sorry. Oo nga. Dun na lang uli sa coffee shop?"

Mabilis at napapailing pang tumanggi si Karla "Wag na dun. Dun na lang sa kabilang side. Itetext ko na rin mga kaibigan ko para dun na lang ako puntahan. Sige baka may lakad ka pa at naistorbo pa kita. Salamat Gerald. "

Akmang aalis na si Karla nang habulin siya ni Gerald. "Sandali, Karla. Tatakbuhan mo na naman ako eh. Malakas pa rin ang ulan. Di naman ako nagmamadali. Ihahatid na kita ng payong hanggang dun sa pupuntahan mo."

Pumayag na rin si Karla at nagpasalamat. Dumiretso sila sa may katapat na Red Crab restaurant. Nagpasalamat muli si Karla kay Gerald. Ayaw pa sanang umalis ni Gerald dahil tingin nya ay mukhang may problema talaga si Karla. Ayaw nyang iwanan muna ito mag-isa sa pag-aalalang baka kung ano muli ang gawin nito. Subalit nag insist si Karla na parating na naman ang mga kaibigan kaya ok na siya. Nagpaalam na si Gerald ng biglang mula sa may tabi nila ay may biglang tumawag sa kanya.

"Uy Gerald, anong ginagawa mo dito?"

Napalingon si Gerald "Uy Jane. Andito ka rin pala."

Napalingon si Karla sa pamilyar na boses. "Jane? O andito na pala kayo. Itetext ko na sana kayo dahil dito na ko nagpunta. Baka kasi dun pa rin kayo sa Coffee Bean dumiretso. Teka. Magkakilala kayo?"

"Anlakas kasi ng ulan e. Saktong patawid na rin kami sana sa kabila ng bumuhos kaya yun. Dito na kami nagstay at patext na rin ako sa yo. At teka, ako dapat magtanong nyan eh. Pinsan ko yan si Gerald." Paliwanag ni Jane.

Kinagulat naman ito ni Karla. "Ah, small world ah. Ang totoo nyan Jane, dito lang din kami nagkakilala ni Gerald habang naghihintay sa inyo."  

"Siya yung nakwento ko na dati sa yo na pinsan kong hopeless romantic pero sobrang pihikan naman sa babae. Hay naku." Dagdag pa ni Jane sabay tapik sa balikat ni Gerald.

"Grabe ka naman pinsan.Nilalaglag mo naman ako eh. Actually, kakakilala ko lang sa kanya at hinatid ko lang siya dito dahil nakita ko siyang inabot ng ulan kanina habang naglalakad. Kasabay ko halos siya kaya pinasilong ko na rin. Paalis na rin talaga ako kasi sabi nya nga may mga kaibigan pa siyang pupuntahan." Nahihiyang paliwanag ni Gerald. Di na rin nya sinabi ang nangyari sa Coffee Bean dahil di siya sigurado kung gusto bang malaman ni Karla ng mga kaibigan ang nakita nyang pag-iyak nito.

"Yung totoo? May ginawa ba sa yo itong si Gerald at parang mugto yang mata mo at basang basa ka pa ha? Ikaw Gerald, kahit pinsan kita, wag mong pagttripan itong bestfriend ko ha." Biro muli ni Jane.

"Uy hindi. Mabait nga si Gerald eh. Nabasa kasi ako sa biglang buhos ng ulan habang naglalakad ako. Wala pa naman akong payong. Maga rin mata ko kasi kanina nung naliligo ako sa condo e biglang nawalan ng tubig. Nahilam ako ng todo sa shampoo. Buti na lang saglit lang nawalan. Kakairita talaga dun sa min." Pagsisinungaling ni Karla.

"O siya siya. Ano insan, baka gusto mong sumama sa lakad namin? Oks lang naman maging one of the girls ka paminsan minsan. hahaha" Aya ni Jane kay Gerald na tumanggi naman sa paanyaya. "Wag na insan. Kakahiya naman. Baka may mga paguusapan pa kayong di ko dapat marinig. Hehehe. Saka may lakad din talaga ako. Bibili lang muna ko ng kape tapos sibat na rin ako."

"Sige Gerald, salamat uli ha. Ingat ka" Bilin ni Karla na kinabigla ni Gerald. "Ikaw din Karla, I mean kayong lahat nila insan. Ingat kayo. It's really nice meeting you."

At naghiwalay na nga sila ng landas ng gabing iyon. Dahil sa lakas ng ulan at nabasa na rin nga si Karla, napagkasunduan na lang nila Jane na tumuloy sa isa pang bahay ng kaibigan para dun na lang maglibang at magpalipas ng gabi. Mas gusto rin ni Karla ang suhestyon dahil nga ayaw nya munang mag ikot sa mga pampublikong lugar dahil sa mga naranasan.

"Bestfriend pala siya ni Jane. Ok lang siguro kung hingin ko ang contact number nya sa pinsan ko. O kaya kahit Facebook account. Pero ano nga kaya ang dahilan at umiiyak siya kanina?" Bulong ni Gerald sa sarili habang naglalakad pabalik sa Coffee Bean.

 

Click here for part 1 (sa mga di nasimulan ang ating fictional story)

No comments:

Post a Comment