Nakasakay kami ng jeep galing PUP Sta. Mesa, gabi na siguro mga 9:30PM. Rutang Quiapo-Pasig, pababa kasi kami ng crossing tapos dun na kami magkakanya kanyang sakay nung kaklase ko. Itago na lang natin sa pangalang "John" yung kaibigan ko. Si John kasi nagyoyosi. So nung pumara kami ng jeep at bakante ang unahan, dun kami naupo sa tabi ng driver. At siya yung nasa pinaka-outer na upuan para makapagyosi. Oo. Mali yung magyosi sa jeep. Sa kanya kayo magalit, wag sa kin kasi di naman ako naninigarilyo. Anyway. Paubos na naman ang yosi nya. Di pa kami nakakalayo, tinapon nya yung cigarette butt. Sakto na may malapit na nakatayong pulis dun sa pinagtapunan nya. Pinara ng pulis ang jeep.
Walang nagawa ang driver at pagkatapos, pinababa yung kaibigan ko. Sumama ako syempre. Mabilis ang pangyayari at dinala kami sa station na walking distance lang sa pinangyarihan. Humingi ng sorry yung kasama ko dahil ang una talaga naming naisip ay yung pagsisigarilyo nya at pagtatapon ang dahilan. Pagdating sa presinto, hiningi ang mga pangalan namin. Hiningian kami ng ID. Pinakita namin student IDs namin. Graduating pa kami nun. At pagkatapos magsulat sa logbook, tinuro kami papuntang selda dun sa isa pang kasama nila. Nagulat kami pareho. Pero sinabi nung nagsama sa min sa istasyon na yung isa lang daw. Sabi ko rin na kung pagyoyosi ang kaso,di naman ako naninigarilyo at sinamahan ko lang yung kasama ko. Pinasok na nga si John sa selda na may lamang ibang mga nahuli nila malamang ng gabi na yun na kung hindi snatcher, holdaper, atbp. Awang awa ako sa kasama ko na nakaupo na lang dun at di alam ang gagawin. Mukhang helpless na kasi ang makiusap sa point na yun.
5000 pesos daw para mapalabas siya bilang "piyansa". Sabi ko masyadong malaki, wala kaming perang ganon dahil unang una, PUP student lang kami at pamasahe na lang ang natitira. Kung ganon daw ay wala silang magagawa at matutuloy yung "kaso". Natakot din ako sa sinabing yun dahil nga graduating kami at magboboard exam pa soon. Naisip ko na posible ring makaapekto yun sa records namin in the future at baka madamay pa ako dahil pati ID ko ay kinuha at sinulat sa log book. Sabi ko ay pilitin kong tawagan kamag anak ng kaibigan ko. Nilapitan ko si John at binigay nya ang number ng kuya nya na taga Mandaluyong. Kaso ay di namin macontact ang cellphone nito. Malayo pa ang inuuwian nya sa Muntinlupa at di rin sigurado kung may mareready bang 5000 yung kapatid nya dun at mukhang di na rin aabot kung totoong dadalhin siya sa City Jail ng madaling araw.
Naging desperado na ko at sinabi ko na lang sa mga pulis na aalis na muna ko at maghahanap sa mga kakilala namin. Naisip ko yung isang professor namin kaso di ko siya nakita noon sa boarding house nya. Kalapit ng boarding house ng prof namin yung boarding house ng misis ko na gf ko pa lang noon at yung gf din ni John at ilan pa naming mga kaibigan at kaeskwela ay doon din nagboboard. Nakaipon kami ng kung di ako nagkakamali, around 2000-3000 pesos. Yun na lang talaga ang kaya at pigang piga na talaga lahat.
Dinala ko ito pabalik sa station. Buti at pumayag dun sa dala kong amount at pagkatapos, pinalabas na rin si John. Bago kami umalis, sinabihan pa kami na wag na namin uulitin yung ginawa namin at wag din naming ipagsasabi ito sa iba kung ayaw naming matuloy yung kaso ni John. Pareho pa namang nakuha ang identity namin ni John dahil sa mga ID namin.
Pag alis namin ay galit, inis , kawalang gana at tiwala sa sistema ang naramdaman ko. Ilang beses na ko nakaranas ng holdap, snatch at pandurukot. Sa pulis ako tumatakbo pag may nangyayaring ganito dahil yun ang tama. Pero sa nangyari, nanlumo ako. San na ko magtitiwala ngayon? Di ko alam. Tumahimik na lang kami. Tutal pagraduate na rin kami nun. Di na lang namin pinagusapan pa uli yung nangyari. Pero sa loob loob ko, may panahon din na mababawi namin yung nangyari na yun at di na mauulit pa.
So nasan si CHR? Actually, nauumay lang talaga ako kakapaliwanag minsan. Pero di ako magsasawa magexplain hanggat di pa rin naiintindihan ng iba na si CHR ay kakampi natin, kakampi rin ng mga tapat na pulis, at kakampi ng mga inosente. Hindi siya kakampi ng kriminal tulad ng sinasabi ng iba.
Paanong pumasok si CHR sa kwento ko? Dahil yung nangyari sa min, ganong kaso pala ang mga hinahawakan nila. Kaso di pa namin alam yun. Sa nangyari kasi na yun, mahirap sa dayong tulad namin ang magsumbong kami sa ibang mga pulis na assigned din dun sa lugar. Pano kung mas paniwalaan nila sila kesa sa min lalo at mukha pa kaming patpating walang makain nung time na yun at baka mapagkamalan pang nangttrip lang? At paano kung kasabwat din pala ang matyempuhan namin? Pero paano naman kung matino pala ang makausap namin at tulungan kami sa nangyari? Puede mangyari kahit ano. At yun ang point. Nabahiran kasi ang tiwala kaya di mo na alam kung ano ang gagawin sa nangyaring yun. So paano na ngayon?
Ganito. Parang sa opisina lang yan. May problema ka sa isa sa mga managers. May manyak na manager. May power tripper. May nagpapagawa ng di tama. May gumagawa ng di tama. Kanino ka magsusumbong? Sa iba pang manager? E pano kung kaibigan pala nya yun? Pano kung di ka paniwalaan nung manager na pagsusumbungan mo at mas may tiwala siya dun sa colleague nya? So dyan naman papasok si HR. O di ba, katunog pa. HR. CHR. Andaling tandaan di ba?
Ganoon din sa mga kaso ng CHR. Pag umabuso yung enforcers, at this case mga pulis, saka pa lang puede takbuhan si CHR. Sila ang nag eensure na ang batas ay naipapatupad ng tama at walang inaapakang karapatan ng kahit sino, kahit pa suspect pa lang dahil posibleng yung suspect na nahuli o napangalanan ay inosente pala. Halos walang pinag-iba yung trabaho ni CHR at HR.
Pano naman kung sa opisina ay may pala-absent, may palpak sa trabaho, may gumagawa ng kalokohan, may nandadaya? Ang proseso kadalasan dyan, diretso yan sa management. Or pag si management ang nakakita, siya na mismo huhuli at magpaparusa. Magbababa ng memo o kaya magsususpinde o magteterminate. Pero sa tulong na rin yan ng HR para lang din masiguro na yung ipapataw na parusa ay according sa labor code. Parang krimen, syempre, ang takbo natin sa pulis pag may holdapan, nakawan, patayan o rape. Dahil sila ang tagapagpatupad, tagabantay at tagahuli. Si CHR naman, puede siyang takbuhan kapag may mga ginawa yung nagpapatupad na taliwas sa batas na posibleng imbes ika-solve ng kaso, madagdagan pa uli ng isang biktima dahil may tinorture pala at pinilit umamin para lang masabing case solved.
Si HR at CHR, tagapamagitan naman at neutral ground para masilip kung ginagawa ba ng tama ang process.
Malabo pa rin ba? Ewan ko. Anlabo talaga kasi ng iba sa tin kahit andali naman. Ang post na ito, hindi ito paninira sa pulis. Saludo ako sa mga pulis. Ito ay paglalahad lamang ng totoong pangyayari na may mangilan ngilan na naliligaw ng landas at gumagamit ng kapangyarihan para lumabag din sa batas. Kung sa matitinong pulis, marami na rin akong naencounter tulad ng nanakawan ako ng phone ng ipit gang sa crossing, sa kanila ko tumakbo. Sa kanila din ako nagreport nung nangyari na natutukan kami ng baril ng isang lasing habang naglalakad sa may gas station sa may Antipolo, ng may nagtangkang magbukas ng bag ko sa may Cubao, ng minsan ng may nagpaputok din ng baril malapit sa subdivision namin. At yung sa pinsan namin na hepe naman sa aming probinsya ay nahingan din namin ng tulong ng minsang bugbugin naman yung pinsan ko sa may Pasay. Andyan sila para magserbisyo. Mukha ba kong lapitin ng gulo ayon sa kwento ko sa taas? Sa nakakakilala sa kin, di siguro aakalain na naencounter ko ang mga yan. Sasabihin ng iba na matino naman akong tao. Well, sabi ng iba, ano ang ikakatakot natin kung matino tayo? Ayan na nga. Kahit anong tino, may makakasalamuha pa rin tayong mga pasaway, sibilyan man o nakauniporme. Pero ang maganda dun, mas marami pa rin sa nakauniporme at sibilyan ang matitino at mababait.
Pero nakakalungkot at may mga naliligaw lang talaga ng landas na imbes magprotekta, sila pa yung gumagawa ng mali sa tao. At kung meron man kayong maencounter ng mga tulad nito na sabi nga ni Gen. Bato ay "scalawags" o "ninja" at nangyari sa lugar na dayo lang kayo at wala kayong kakilalang pulis dun sa lugar, kanino kayo puede magsumbong na tingin nyo e neutral? O, e di sa CHR. O, nasan kayo ngayon ha CHR?
No comments:
Post a Comment