Thursday, August 11, 2016

MRT Serye: The Real Story of Karla and Ryan (Part 1)

"Putik. Late na naman ako. Hirap talaga maging mahirap. Kung ihihinto ko trabaho ko, hindi ako makakapag-aral. Kaso yung trabaho ko naman din ang nagiging dahilan kaya nagkakandalate ako at nahihirapan sa pag-aaral ko. Pesteng buhay nga naman oo."

Himutok sa sarili ni Ryan, isang masipag na binata at working student, habang nakasakay sa MRT papasok sa eskwela. Halos walang araw na di siya nagmamadali sa pagpasok tuwing umaga. Masuwerte pa siya ng araw na yon at nakasakay agad siya sa MRT at nakaupo pa nga dahil kadalasan, abot hanggang sa kalsada na ang pila ng tao. At pagpasok mo pa sa tren ay gasardinas ang siksikan. Yung tipong papasok ka pa lang, amoy uwian ka na. Pag mas minalas malas pa, nasisira ang tren at walang magawa ang mga pasahero kundi maglakad sa riles at bumaba para makipagsapalaran namang makasakay sa bus.

"Buti nacharge ko itong phone ko. Soundtrip muna ng makalimot sa problema. Maya ko na lang isipin yung late late nayan at wala naman na ding magagawa. Sana lang di ako ibagsak ng terror kong prof sa Calculus. Pang ilang late ko na ba to? Buti at naipapasa ko pa ang exams namin."

Habang nakaheadset at nakikinig sa playlist nya ng mga banda nyang paborito, nakatungo si Ryan at pinipilit na labanan ang antok dahil baka lumampas sya ng bababaang istasyon. Huminto sa Cubao station ang tren at parang mga sundalo sa palabas na 300 na nagtulakan ang mga gustong makababa at makasakay. Normal na ang ganitong eksena kaya di na rin pansin ni Ryan ang nangyayari. Nakakulong na ang kanyang isip sa pinapakinggang kanta ng Parokya ni Edgar. Nang may pamilyar na tanawin siyang naaninag sa bandang sahig. Sapatos. Violet na Nike Free na may sintas na pink. Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Ryan. "Shit, sya ba uli ito?". At dahan dahan nyang itiningala ang kanyang ulo. "Sya nga."




Dahil halos parehong oras na sumasakay si Ryan sa MRT, di maiiwasang mamukhaan na nya ang ilan sa mga nakakasabay nya. At isa na rito ang babaeng ito na tumatak sa kanyang memorya ang itsura lalo na ang sapatos nito. Nung una nya itong nakita dalawang linggo na ang nakakalipas,medyo natarayan pa siya at nasupladahan nito. Natapakan nya kasi ang paa nito habang naguunahan ang mga taong pumasoks a tren habang suot ang sapatos na ito mismo. Nagalit at inismidan siya nito kahit pa nagsorry naman siya. Di na lang umimik si Ryan. Pero ng napalingon siya sa mukha ng babae, kahit masungit pa ang mukha nito sa kanya ay napansin nya ang mata nito at mga labi. "Ang expressive naman". Natulala si Ryan at unti unti nagsara na ang pinto ng tren, at naiwan siya at di nakasakay.

Ngayon, andito na naman ang babae sa harapan nya. Tiningnan nya muli ito. "Ang ganda pala talaga nya". Naka ilang tingin siya at lingid sa kanyang kaalaman, napansin ito ng babae. "Paupuin ko kaya siya? Kaso, baka maalala nya na ako yung umapak sa kanya. Baka magalit uli. Mataray pa naman ito. Saka baka sabihin pa stalker ako o kaya papansin. Hmm. Hay naku, di bale pababa na naman ako after 2 stations. Wag na lang. Kunwari na lang wala akong nakita." At ganon na nga ang ginawa ni Ryan. Di nya pinaupo ang babae at bumaba ng MRT pagdating ng Boni Station.

Naging normal ang araw ni Ryan. Pagkatapos ng eskwela, dumiretso siya sa trabaho nya. Pagod at gutom, umuwi nung gabi sa kanilang bahay. Kumain muna ng konting hapunan na di na nya halos matapos sa antok, at saka siya natulog. Ang di nya alam, ito na pala ang huling araw na magiging normal ang routine ng buhay nya.



*twit twit*


"Dami namang text at alerts! Kung kelan pa wala naman akong pasok saka pa naman ako nagising ng maaga sa ingay ng mga to. Importante ba mga sasabihin nyo ha?"


Kinuha ni Ryan ang cellphone. 23 text messages. At napakaraming Facebook messages and notifications. Nagtaka sya kasi di naman siya ganon kaactive sa social media para magkaroon ng ganong karaming notifications. Pagbukas nya ng unang message "Pare, sikat ka na. Paautograph naman." sabi ng unang message. At yung mga sumunod pa, halos ganon din ang sinasabi. At may mga links pa na nakaattach sa message. Litong lito si Ryan sa nangyari. Nung una ay naisip pa nya na baka virus ito dahil halos pare pareho sinasabi ng mga tao sa kanya. Pero nagtaka sya pati sa text ay ganon din. Na sikat na raw siya at tingnan daw nya yung mga posts sa FB nya. Kaya kinlick na rin nya ang link na binigay ng isa sa mga kaibigan.

--------------
"ShoutOut Nga Pala Dun Sa Lalaki Knina Sa MRT. (Pauwi Ako Sa Condo. Sumakay Ako MRT mula North Ave. To Araneta Cubao )
Nasa Harap Mo Ko. Ano Manlang Sna Yung Kusa Kang Nagpa-Upo. Pa-Tingin Tingin Kapa. Kala Mo Hindi Ko Nahahalata. Yung Pagiging Un-Gentleman Mo.. Sana Hindi yan Gawin Sa Nanay Mo. Sigurado Naman Matanda Nadin Nanay Mo. At Kung May Kapatid Kang Babae. (Kung Meron Man )
Kung Ano Yung Kina-Pangit Ng Mukha Mo.. Yung Din Kina-Pangit Ng Ugali Mo. Bagay Na Bagay yung Mukha Mo Sa Ugali. Perfect Combination Pare! Haha!"





---------

"Jejemon ata ito ah. Ano naman kaya kinalaman ko dito? Patawa naman itong link na to. Wala namang kwenta."


Ito ang naging reaksyon ni Ryan pagkabasa sa caption. Pero pagscroll down nya, nagulantang siya sa kanyang nakita.

"Putek, ako to ah. Kahapon to sa MRT! Hayop na yan. Sinong gago ang kumuha ng picture ko dun. Saka ilang shares and like na ito ah. Eto pala sinasabi nila Marvin na sikat na raw ako! Buisit. Sinong hayop ang gumawa nito? Napagtripan ata ako ng mga tropa ko. Ano ba to?" 

Tiningnan ni Ryan kung sinong profile ang nagsulat ng post at nag upload ng picture nya. Karla. Karla ang pangalan ng babaeng nagagalit sa kanya. Nagpanting ang tenga ni Ryan. Kinlick nya agad ang message button para kausapin at pagsabihan ang babaeng ito na burahin ang post na ito kung hindi ay mananagot ito sa kanya.


Habang tinatype ni Ryan ang kanyang message, napatingin sya sa profile picture ni Karla.

"Karla? Teka. Pamilyar itong mukhang ito ah. Parang... Parang... Siya nga ba? Sya nga! Karla pala ang pangalan nya. Ang ganda talaga nya. Si Violet Nike shoes. Karla pala....


...Pero teka, mali mali! Mali sya ng akala! Bakit Karla. Bakit mo ginawa ito? Teka, ano ba nangyari kahapon? Ah. Oo nga pala, natorpe ako na paupuin siya. Pagkakataon na kasi sana eh. Naku naman! Napasama pa. At napansin pala nya na tumitingin ako sa kanya! Mali ka ng akala Karla. Grrr buiset! Ano ngayon ang gagawin ko! Laking trobol nito. Kaasar talaga!"


Click here for the next parts:
Part 2 of MRT Serye - Si Karla at ang aral ng pangyayari
Part 3 of MRT Serye - Ang pagtatagpo ng landas

Please like our page para din po makaupdate kayo agad sa kasunod na mga kwento
-> Libreng Kwento Daily

FYI: Kathang isip lang po ito ng sumulat at inspired lamang po sa naging trending na kwento natin nitong maghapon tungkol sa 2 tao sa MRT. 


No comments:

Post a Comment