Tuesday, September 6, 2016

Nakaliligtas ng Buhay ang Pag Absent

Nakaligtas sa pambobomba sa Simbahan ng Antipolo noon ang lola ko sa tuhod nung panahon ng hapon. Siya mismo ang nagkwento sa akin noong nakaburol ang anak nya na lolo ko sa side ng tatay ko. Katabi ko pa si Cel noon na girlfriend ko pa lang, habang nagkkwento si Lola Mamang. Ramona ang buo nyang pangalan. 

Pre-war Antipolo Church


Nagttrabaho pala siya noon sa Cathedral ng Antipolo. Sa pagkaalala ko, bilang isang clerk. Noong araw na yon na hindi siya pumasok ay ang araw na binomba ang simbahan. Sa pagkkwento nya na yun, parang wala lang impact na parang suerte lang at nagkataon. Tapos tumingin ako sa paligid namin na puno ng mga kamag-anak, mga tiyo at tiya, mga pinsan at mga pamangkin. Itong buong angkan na ito ang nakaligtas ng araw na yon na hindi naging biktima ng pambobomba si Lola Mamang.

Takan na kabayo


Noong maliit pa kami at kami pa lang ni Rowell na kapatid kong lalaki ang anak ng mga magulang namin, binibisita kami ni Lola Mamang noon sa Antipolo lalo na tuwing Mayo. Nagsisimba siya madalas kasama ng pamangkin at apo. Tuwing dumadalaw siya, may pasalubong siya lagi. Ang binibili nya sa aming laruan ay binili nya rin doon mismo sa bilihan ng pasalubong sa may Simbahan. Pero kahit pa dito sa Antipolo lang binili, tuwang tuwa kami ni Rowell dahil hindi naman din kami nagkakaroon ng mga ganoong bagay kahit malapit lang ang bilihan. Baril-barilan na gawa sa kahoy na may maingay na tunog pag pinapaikot ang hawakan. Meron ding kabayong paper mache na pininturahan ng pula at iba pang kulay.  Meron ding gitarang maliit o kaya naman ay laruang palayok na puede talagang apuyan at nilulutuan namin ng tubig at dahong pinitas lamang sa paligid. Iba talaga ang mga lola at lolo pagdating sa apo. Lola pa namin yon sa tuhod. Nakakamiss din si Lola Mamang. Wala na siya ngayon. Pumanaw siya ilang taon na ang nakakalipas. 


Modern Antipolo Cathedral


Bukod pa sa kanya, naabutan ko rin si Lola Cion na nanay naman ng lola ko sa tatay ko. Hindi kami nagkaroon masyado ng bonding ni Lola Cion pero mabait at maalalahaning lola din namin siya. Tuwing reunion ay kasama namin siya sa Sampaloc. Naabutan pa ni Mik at Kayla ang lola Cion pero nung panahong nagiging sakitin na rin siya noon. Pero malaking bagay para sa kin ang mag-abot pa sila kahit di pa man nagkakaisip ang mga anak ko, makikita nila balang araw sa larawan na nakadaupang palad nila ang lola ng lolo nila. Pumanaw na rin ang lola Cion noong isang taon. Sayang nga kasi may pamangkin na ako sa pinsan na nagkaanak na rin ngayong taon. Kung nagkataon, pang anim na henerasyon sana silang nag-abot. 

Si Lola Mamang at Lola Cion. Larawan sila ng mga karaniwang lola na nakilala rin marahil ng marami sa inyo. Maaalahanin sa mga apo, mapagmahal, madasalin, masayahin. Pag sila ang kaharap at kausap mo, parang walang problema ang mundo. Bawat kulubot sa balat nila ay may kwento. Bawat puting buhok ay may alaala na makakahugot ng interes ng mas batang henerasyon. Mapalad ako na naabutan ko sila. Mapalad din ako na isiping ang mga desisyon nila noon ang naging rason kung bakit andito ako ngayon. Salamat sa mga lola at lolo natin.



Tuesday, August 30, 2016

MRT Serye: The Real Story of Karla and Ryan (Part 6)

"Ano girl? Kausapin mo ba? Feeling ko siya talaga yun eh. Chineck ko profile at mukhang legitimate"  tila naeexcite na sabi ni Jane kay Karla habang kausap ito sa cellphone.

"E ano kung siya? Ano gusto mo, sabunutan ko? Yan may kasalanan ng lahat kaya ako nagkakaganito ngayon. Yang pagiging ungentleman nya ang rason kaya ako ngayon ginaganito ng mga tao." Inis namang sagot ni Karla sa kaibigan sa telepno habang nakaharap sa salamin sa loob ng kanyang kwarto at nagsusuklay. Nabasa na ni Jane ang message ni Ryan kaya agad niyang pinarating ito sa kaibigan. Pero di na siya nagulat na ito ang magiging reaksyon ng kaibigan.

"So ano. Deadma na muna itong si boy ha. Di ko na lang reply-an. Pero mukha naman siyang mabait." Sabi ni Jane sa kaibigan.

"May mabait bang hindi gentleman? Hay naku Jane, tama na nga. Di ako interesado sa mokong na yan. Pag nakita ko yan, baka bigwasan ko pa yang pagmumukha nyan." singhal ni Karla. 

"O tama na girl. Baka ako na awayin mo ha. Ako naman ay nagrereport lang. Baka lang kasi gusto mo siya makausap para mas madali ka makaganti." Biro ni Jane kay Karla. Pero medyo natakot na rin siya at baka nga pati siya ay madamay sa halatang pikon na pikon nang kaibigan. Kaya pinutol na rin nya ang usapan. "Sige sis, may gagawin pa rin ako. Yaan mo, di ko sasagutin tong kumag na ito. Manigas siya. Syempre tayo ang kampi. Ano kala nya ha. O sige, byers na."

"Sige sis. Tama, wag mo pansinin yan. Baka mamaya pag kinausap mo yan e ikaw naman susunod na maging trending sige ka. Bye bye na. Mwah." paalam din ni Karla sa kaibigan. 

Hindi pa naibaba ni Karla ang phone, tumunog na naman ito. May pumasok na text message. Akala nya ay si Jane uli.



"Kmusta na Karla? Sana di ka naman sinipon o inubo. Nice meeting you by the way. Sana magkita tayo uli. :)."

"O sino na naman to?" 

Di pa tapos sa iniisip si Karla ay may kasunod nang message agad.

"Si Gerald to. I hope naaalala mo pa ko. Pasensya ka na at hiningi ko kay insan Jane yung number mo. Wag ka magalit sa kanya ha. Pinilit ko lang talaga siya. Sabi ko good boy naman ako at walang gagawing masama sa number mo. :)"


Tila nakalimutan na ni Karla kung sino ito pero naalala nya nung binanggit ng nagtext na pinsan siya ni Jane.Nag isip muna si Karla kung magrereply ba siya. Gusto sana nya mainis kay Jane dahil pinamigay yung number nya pagkatapos na muntik pa siya ipakausap dun sa lalakeng di siya pinaupo sa tren. Pero parang di naman siya nainis talaga sa pagbibigay ng number nya kay Gerald.

"Hi Gerald. Ok lang naman. Di naman ako sinipon. Salamat sa pangangamusta. Salamat din uli sa pagpapasilong sa kin last time ha."

"Walang anuman Karla. By the way, may lakad ba kayo uli nila Jane this weekend?" Tanong ni Gerald sa dalaga.

"Wala naman. Busy din kasi ang barkada kaya ako stay lang muna sa bahay. Bakit mo natanong?" Reply ni Karla

"Ah, ganon ba? Baka lang kasi magagawi ka sa Eastwood uli. Or kung ok lang sa yo, yayain sana kita to go somewhere para magchill. Wala rin kasi ako gagawin sa weekend. And nabitin din ako sa kwentuhan natin last time." yaya ng binata.

Hindi alam ni Karla ang isasagot. Parang nagugulat siya sa mga sinasabi sa kanya ni Gerald sa text. Sasama ba siya o ano. Sasabihin ba nya kay Jane ang pagyayaya ni Gerald? E baka mainis si Gerald sa kanya pag nalamang kinakalat pa nya na nag-aaya siya sa kanya? Pero di pa rin maintindihan ni Karla kung bakit kakaiba rin ang nararamdaman nya sa pagyayaya ni Gerald sa kanya.  Di pa rin siya makapagreply.

Samantala, sinilip ni Ryan ang message box nya sa FB. Tiningnan nya kung may reply na si Jane. 

"Putsa, na seenzoned ang message ko. Walang reply. Wala na ata akong pag-asa talaga na makita uli si Karla." malungkot na sabi ni Ryan sa sarili. "Pero at least di pa ko binoblock nitong Jane sa Facebook. Mukhang need ko mag stalk para makagawa ng paraan na makita uli si Karla."

Nasaan kayo, CHR?

Muntik na ko makulong noong college. Hindi ito alam ng pamilya ko at ilan lang sa mga kaklase ko din ang may impormasyon dito. Dalawa kami magkasama noon ng kaklase ko. At siya yung natuluyang makulong at ako yung gumawa ng paraan para makalabas siya. Ito yung isang araw sa college life ko na parang panaginip lang na halos makalimutan ko na sana pero bumalik lang sa memories ko dahil na rin siguro sa mga usapan ngayon. At ok na rin lang malaman ng mga pamilya namin dahil matagal na naman nangyari at malamang di na rin ito mabasa nung mga gumawa sa min ng di maganda. 2004 pa kasi yun. Mabasa man nila,baka di na rin naman nila kami maalala kasi baka marami na silang ginawan ng ganyan. At isusumbong ko din sila sa mga kaibigan, kamag anak at kapitbahay ko na matitino at tapat sa serbisyo sa kapulisan, hindi tulad ng mga ito na ikkwento ko.

Nakasakay kami ng jeep galing PUP Sta. Mesa, gabi na siguro mga 9:30PM. Rutang Quiapo-Pasig, pababa kasi kami ng crossing tapos dun na kami magkakanya kanyang sakay nung kaklase ko. Itago na lang natin sa pangalang "John" yung kaibigan ko. Si John kasi nagyoyosi. So nung pumara kami ng jeep at bakante ang unahan, dun kami naupo sa tabi ng driver. At siya yung nasa pinaka-outer na upuan para makapagyosi. Oo. Mali yung magyosi sa jeep. Sa kanya kayo magalit, wag sa kin kasi di naman ako naninigarilyo. Anyway. Paubos na naman ang yosi nya. Di pa kami nakakalayo, tinapon nya yung cigarette butt. Sakto na may malapit na nakatayong pulis dun sa pinagtapunan nya. Pinara ng pulis ang jeep.





Walang nagawa ang driver at pagkatapos, pinababa yung kaibigan ko. Sumama ako syempre. Mabilis ang pangyayari at dinala kami sa station na walking distance lang sa pinangyarihan. Humingi ng sorry yung kasama ko dahil ang una talaga naming naisip ay yung pagsisigarilyo nya at pagtatapon ang dahilan. Pagdating sa presinto, hiningi ang mga pangalan namin. Hiningian kami ng ID. Pinakita namin student IDs namin. Graduating pa kami nun. At pagkatapos magsulat sa logbook, tinuro kami papuntang selda dun sa isa pang kasama nila. Nagulat kami pareho. Pero sinabi nung nagsama sa min sa istasyon na yung isa lang daw. Sabi ko rin na kung pagyoyosi ang kaso,di naman ako naninigarilyo at sinamahan ko lang yung kasama ko. Pinasok na nga si John sa selda na may lamang ibang mga nahuli nila malamang ng gabi na yun na kung hindi snatcher, holdaper, atbp. Awang awa ako sa kasama ko na nakaupo na lang dun at di alam ang gagawin. Mukhang helpless na kasi ang makiusap sa point na yun.

Tinanong ko dun sa nasa desk kung ano ba kaso at bakit niya kinulong ang kasama ko. Sabi ay ordinansa daw yun against smoking. Sabi ko kung ordinansa, may papel ba sila na mapapakita na dapat ikulong yung tao dahil lang nagsigarilyo o nagtapon ng upos. Ang pinakita sa kin ay newspaper clipping na nakadikit sa pader. Pinuna ko na wala naman nakalagay dun na may dapat makulong. Obviously, malabo naman talaga na kulong ang parusa sa ganoong kababaw na dahilan. At parang naiinis na rin yung isa sa pagtatanong ko. Tinakot ako at sinabing pagdating ng madaling araw, ililipat na raw sa city jail yung kaklase ko. Sabi ko ay wag naman sanang ganon dahil wala namang masamang ginawa yung tao. Tinanong ko kung ano ang puede kong gawin para mapalabas yung kasama ko.

5000 pesos daw para mapalabas siya bilang "piyansa". Sabi ko masyadong malaki, wala kaming perang ganon dahil unang una, PUP student lang kami at pamasahe na lang ang natitira. Kung ganon daw ay wala silang magagawa at matutuloy yung "kaso". Natakot din ako sa sinabing yun dahil nga graduating kami at magboboard exam pa soon. Naisip ko na posible ring makaapekto yun sa records namin in the future at baka madamay pa ako dahil pati ID ko ay kinuha at sinulat sa log book. Sabi ko ay pilitin kong tawagan kamag anak ng kaibigan ko. Nilapitan ko si John at binigay nya ang number ng kuya nya na taga Mandaluyong. Kaso ay di namin macontact ang cellphone nito. Malayo pa ang inuuwian nya sa Muntinlupa at di rin sigurado kung may mareready bang 5000 yung kapatid nya dun at mukhang di na rin aabot kung totoong dadalhin siya sa City Jail ng madaling araw.




Naging desperado na ko at sinabi ko na lang sa mga pulis na aalis na muna ko at maghahanap sa mga kakilala namin. Naisip ko yung isang professor namin kaso di ko siya nakita noon sa boarding house nya. Kalapit ng boarding house ng prof namin yung boarding house ng misis ko na gf ko pa lang noon at yung gf din ni John at ilan pa naming mga kaibigan at kaeskwela ay doon din nagboboard. Nakaipon kami ng kung di ako nagkakamali, around 2000-3000 pesos. Yun na lang talaga ang kaya at pigang piga na talaga lahat.

Dinala ko ito pabalik sa station. Buti at pumayag dun sa dala kong amount at pagkatapos, pinalabas na rin si John. Bago kami umalis, sinabihan pa kami na wag na namin uulitin yung ginawa namin at wag din naming ipagsasabi ito sa iba kung ayaw naming matuloy yung kaso ni John. Pareho pa namang nakuha ang identity namin ni John dahil sa mga ID namin.

Pag alis namin ay galit, inis , kawalang gana at tiwala sa sistema ang naramdaman ko. Ilang beses na ko nakaranas ng holdap, snatch at pandurukot. Sa pulis ako tumatakbo pag may nangyayaring ganito dahil yun ang tama. Pero sa nangyari, nanlumo ako. San na ko magtitiwala ngayon? Di ko alam. Tumahimik na lang kami. Tutal pagraduate na rin kami nun. Di na lang namin pinagusapan pa uli yung nangyari. Pero sa loob loob ko, may panahon din na mababawi namin yung nangyari na yun at di na mauulit pa.

So nasan si CHR? Actually, nauumay lang talaga ako kakapaliwanag minsan. Pero di ako magsasawa magexplain hanggat di pa rin naiintindihan ng iba na si CHR ay kakampi natin, kakampi  rin ng mga tapat na pulis, at kakampi ng mga inosente. Hindi siya kakampi ng kriminal tulad ng sinasabi ng iba. 

Paanong pumasok si CHR sa kwento ko? Dahil yung nangyari sa min, ganong kaso pala ang mga hinahawakan nila. Kaso di pa namin alam yun. Sa nangyari kasi na yun, mahirap sa dayong tulad namin ang magsumbong kami sa ibang mga pulis na assigned din dun sa lugar. Pano kung mas paniwalaan nila sila kesa sa min lalo at mukha pa kaming patpating walang makain nung time na yun at baka mapagkamalan pang nangttrip lang? At paano kung kasabwat din pala ang matyempuhan namin? Pero paano naman kung matino pala ang makausap namin at tulungan kami sa nangyari? Puede mangyari kahit ano. At yun ang point. Nabahiran kasi ang tiwala kaya di mo na alam kung ano ang gagawin sa nangyaring yun. So paano na ngayon?

Ganito. Parang sa opisina lang yan. May problema ka sa isa sa mga managers. May manyak na manager. May power tripper. May nagpapagawa ng di tama. May gumagawa ng di tama. Kanino ka magsusumbong? Sa iba pang manager? E pano kung kaibigan pala nya yun? Pano kung di ka paniwalaan nung manager na pagsusumbungan mo at mas may tiwala siya dun sa colleague nya? So dyan naman papasok si HR. O di ba, katunog pa. HR. CHR. Andaling tandaan di ba?

Ganoon din sa mga kaso ng CHR. Pag umabuso yung enforcers, at this case mga pulis, saka pa lang puede takbuhan si CHR.  Sila ang nag eensure na ang batas ay naipapatupad ng tama at walang inaapakang karapatan ng kahit sino, kahit pa suspect pa lang dahil posibleng yung suspect na nahuli o napangalanan ay inosente pala. Halos walang pinag-iba yung trabaho ni CHR at HR.

Pano naman kung sa opisina ay may pala-absent, may palpak sa trabaho, may gumagawa ng kalokohan, may nandadaya? Ang proseso kadalasan dyan, diretso yan sa management. Or pag si management ang nakakita, siya na mismo huhuli at magpaparusa. Magbababa ng memo o kaya magsususpinde o magteterminate. Pero sa tulong na rin yan ng HR para lang din masiguro na yung ipapataw na parusa ay according sa labor code. Parang krimen, syempre, ang takbo natin sa pulis pag may holdapan, nakawan, patayan o rape. Dahil sila ang tagapagpatupad, tagabantay at tagahuli. Si CHR naman, puede siyang takbuhan kapag may mga ginawa yung nagpapatupad na taliwas sa batas na posibleng imbes ika-solve ng kaso, madagdagan pa uli ng isang biktima dahil may tinorture pala at pinilit umamin para lang masabing case solved. 

Si HR at CHR, tagapamagitan naman at neutral ground para masilip kung ginagawa ba ng tama ang process.

Malabo pa rin ba? Ewan ko. Anlabo talaga kasi ng iba sa tin kahit andali naman. Ang post na ito, hindi ito paninira sa pulis. Saludo ako sa mga pulis. Ito ay paglalahad lamang ng totoong pangyayari na may mangilan ngilan na naliligaw ng landas at gumagamit ng kapangyarihan para lumabag din sa batas. Kung sa matitinong pulis, marami na rin akong naencounter tulad ng nanakawan ako ng phone ng ipit gang sa crossing, sa kanila ko tumakbo. Sa kanila din ako nagreport nung nangyari na natutukan kami ng baril ng isang lasing habang naglalakad sa may gas station sa may Antipolo, ng may nagtangkang magbukas ng bag ko sa may Cubao, ng minsan ng may nagpaputok din ng baril malapit sa subdivision namin. At yung sa pinsan namin na hepe naman sa aming probinsya ay nahingan din namin ng tulong ng minsang bugbugin naman yung pinsan ko sa may Pasay. Andyan sila para magserbisyo. Mukha ba kong lapitin ng gulo ayon sa kwento ko sa taas? Sa nakakakilala sa kin, di siguro aakalain na naencounter ko ang mga yan. Sasabihin ng iba na matino naman akong tao. Well, sabi ng iba, ano ang ikakatakot natin kung matino tayo? Ayan na nga. Kahit anong tino, may makakasalamuha pa rin tayong mga pasaway, sibilyan man o nakauniporme. Pero ang maganda dun, mas marami pa rin sa nakauniporme at sibilyan ang matitino at mababait.

Pero nakakalungkot at may mga naliligaw lang talaga ng landas na imbes magprotekta, sila pa yung gumagawa ng mali sa tao. At kung meron man kayong maencounter ng mga tulad nito na sabi nga ni Gen. Bato ay "scalawags" o "ninja" at nangyari sa lugar na dayo lang kayo at wala kayong kakilalang pulis dun sa lugar, kanino kayo puede magsumbong na tingin nyo e neutral? O, e di sa CHR. O, nasan kayo ngayon ha CHR?




Saturday, August 27, 2016

MRT Serye: The Real Story of Karla and Ryan (Part 5)



Sabado ng umaga at walang pasok si Ryan sa eskwela. Hapon pa ang shift nya sa pinapasukang trabaho kaya di muna bumangon agad mula sa kanyang magulong kama. Di na halos maayos ni Ryan ang kwarto sa araw araw dahil sa pagod at puyat ng sabayang pag-aaral at pagttrabaho.

“Ryan, bangon na. Handa na ang almusal.”  Tawag ng kanyang Nanay Gina mula sa kanilang kusina. Maliit at simple lang ang kanilang tirahan kung kaya dinig na dinig mula sa kwarto ang tawag ng kanyang ina.
Sige po nay. May aayusin lang po ako saglit. Mukhang masarap nga po ang luto nyo. Amoy na amoy ko yung tocino dito sa kwarto. Nagsangag po ba kayo?”  Sagot ni Ryan.
Oo anak. Kaya bumaba ka na dyan. Minsan ka na lang makakakain ng almusal ng maayos. Araw araw ka na lang nagmamadali sa pagpasok. Dali na at ng di lumamig itong pagkain.” Lambing ng kanyang ina.
Ok nay, pababa na po.” 



Bago bumaba, nag open muna ng Facebook account si Ryan sa kanyang cellphone. Nawala na sa isip nya ang nangyari sa kanya nung isang araw. Pero pagbukas nya ng account, nakakita na naman siya ng napakaraming notifications mula sa messages mula sa nagbibirong mga kaibigan hanggang sa mga tagged posts sa kanya. Pagbukas nya ng isang link, nakita na naman nya ang picture ni Karla.
Kmusta na kaya sya?” Bulong ni Ryan sa sarili. Nagscroll siya pababa at nakita na naman nya ang masasakit na mensahe patungkol sa babae. Nalungkot siyang muli at naawa kay Karla. Muli na naman nyang sinisi ang sarili. Isasara na sana nya ang phone para bumaba na at kumain ng may isang komento na tumawag ng kanyang pansin.


Jane Fuentes : Please lang po. Tigilan nyo na sana ang pambubully. Kilala ko personally si Karla at hindi po siya tulad ng inaakala nyong babae. Nagkamali po siya sa ginawa nya at nagsisisi na siya. Pero itigil nyo na ang panghuhusga. Lahat naman nagkakamali eh. Wala namang malinis.


Maraming sumagot sa comment ni Jane. Karamihan ay galit at pati ito mismo ay nabully na rin ng mga tao. Gusto na sana nya sumagot din para patigilin ang mga tao. Pero naisip niya, baka akalain na pekeng account lang siya na ginamit pa ang pangalang Ryan para lang patigilin ang mga tao. Naisip niyang puntahan ang profile ni Jane. Nakapublic ang privacy setting nito kaya nagscroll siya saglit sa profile ni Jane. Agad agad, nakita nya ang isang pamilyar na babae sa isa sa mga Timeline photos nito. Si Karla.
Nabuhayan agad ng pag-asa si Ryan na makausap si Karla sa pamamagitan ni Jane. Nagclick agad siya sa message button. Offline. Pero di na siya nag-isip at agad siyang nag iwan ng message dito.
Ryan: Hi Jane. Kmusta? Hindi mo ako kilala pero gusto sana kitang makausap. Nakita ko yung comment mo sa isa sa mga posts. Ako si Ryan. Yung lalake na pinost ng kaibigan mong si Karla. Hindi ako galit sa kanya. Ang totoo ay gusto ko sana siyang makausap at makahingi din ng tawad sa nangyari. Puede mo ba ko tulungan na makausap siya? Nakikiusap ako. Sana ok lang siya. Salamat Jane.
Sana ay pansinin nya ang message ko. Baka kasi maisip nya na fake account lang ako at nagsasamantala sa sitwasyon. “
“Ryan, asan ka na?”  Tawag muli ng nanay nya.
Pababa na po nay. Saglit lang”
At bumaba siya na umaasa na ito na nga sana ang pagkakataon na makausap at makilala na nya si Karla, ang babaeng kanyang hinahangaan subalit natagpuan nya pa sa pinaka di inaasahang pagkakataon.

Monday, August 22, 2016

Matalinaw Sana

Nung isang biyernes ng hapon while submitting some papers at Sun Life Antipolo office, a woman probably at her 50s greeted me then ngumiti din ako. Di ko sya kilala. Then tinitingnan pa rin nya ko at di na nakatiis at nagtanong dahil parang kilala daw nya ko and familiar itsura ko. I told her politely na di ako sigurado or maybe baka younger brother ko yun at lagi kasi kami napagkakamalan. Sabi nya siguro nga raw.

Dalawang araw ang lumipas, habang nagpapa-gas naman sa Petron Antipolo, isang gas boy ang lumapit at kinumusta ako. Nanganak na daw ba ang misis ko. Sabi ko teka lang, di naman buntis wife ko. And naalala ko yung sis in law ko kakapanganak lang last month. Sabi ko baka brother ko yung nakikita nya at wife nya. Mas madalas din kasi ako sa Shell magpa-gas. Napaatras sya at tiningnan bigla yung kotse and narealize nya rin siguro na iba pala. Sabi ko buti wala misis ko nun kundi baka inaway pa ko dahil may buntis pala akong sinasakay na iba. Nagsorry sya pero natatawa kami pareho.

Naisip ko din, buti na lang at pareho kaming law abiding citizens at matitinong tao ni utol. Kung may isa pala sa min ang naging lokoloko o kaya ay napag-initan ng mga sindikatong siraulo, mas ok kung magiging mas malinaw ang mata at magaling mag identify ang mga vigilante nila at mga gun for hire kesa sa mga financial advisors o mga gas boys

Saturday, August 13, 2016

MRT Serye: The Real Story of Karla and Ryan (Part 4)

Hindi agad bumangon si Karla mula sa pagkakabagsak sa sahig. Hindi rin nya inabot ang kamay ng lalake na nakabangga nya. Takot at hiya ang nararamdaman nya ngayon sa sarili at para bang wala na siyang pakialam sa mundo. Gusto na lang nya na maglaho na parang bula at mawala ng tuluyan sa paningin ng iba dahil nga sa mga nangyari sa loob lang ng isang araw.


"Miss? Sorry talaga. Pasensya na at di rin ako masyadong nakatingin sa dinadaanan ko. May masakit ba sayo? Samahan kita sa may clinic dun sa may Cybermall. Lakad lang tayo ng konti. Pasensya na talaga miss." Pag-aalala ng lalakeng nakabangga.

Tumayo si Karla ng mag isa at dumiretso naglakad palabas ng coffee shop. Nagulat ang lalake at siya'y sinundan. Bago pa man nakalayo si Karla, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Wala sa sariling huminto sa gitna ng malakas na pagbuhos si Karla at kasabay ng patak ng ulan ang kanyang luha sa mga mata. Hindi nya napansin na sumunod sa kanya ang lalake at binuksan ang dala nitong payong para siya ay masilungan.

"Miss, baka imbes na bali sa buto, e sipon o trangkaso naman ang maging sakit mo. Kasalanan ko lahat ito. Wag ka na magpabasa, sumilong na muna tayo dun. Wala ka bang ibang kasama? Gusto mo samahan na muna kita ngayon? Mukhang mas mabigat pa sa pagkakabangga ko sa yo kasi yung dinadala mo."

Biglang parang bumalik ang senses ni Karla sa mundo. Sa narinig nya mula sa lalake, napagtanto nya na hindi naman pala lahat ng tao ay kilala na siya dahil sa nangyari. Pero naisip nya pasasaan ba't malalaman din ng lalakeng ito kung sino sya. Pero sa unang pagkakataon matapos ang nangyari kahapon, nagawa nyang lumingon at humarap sa isang estranghero nang walang takot. Nakita nya ang di katangkarang lalake, tantya nya ay mga 5'6" ang taas. May kapayatan pero maaliwalas ang mukha, mabilog na mga mata at di masyadong katangusan na ilong. Nakangiti itong nakatingin sa kanya subalit kita ang bahid ng pag-aalala.



"I'm sorry at sa ganitong paraan pa tayo nagkakilala. Anong name mo miss? Gerald." Pagpapakilala ng lalake sa kanya sabay abot ng kamay.

"I'm Karla. Salamat. Wala ka naman dapat ipagsorry. Kanina ka pa nga nagsosorry sa kin. Ako naman din ang may kasalanan at nagmamadali akong lumabas kanina kaya yan, nabangga kita." Sabay abot din ng kamay para makipagshake hands. At sa unang pagkakataon ay napangiti muli siya.

"Ayan, nagsmile ka na. Simula kanina kasi ay puro pag-iyak lang ang nakita ko sa yo. Lipat na kaya muna tayo dun sa may silong. Masyado na malakas ang ulan at maliit lang ang payong ko." Sagot ni Gerald.

"Sige, pero baka puede bitawan mo rin muna yung kamay ko?" sa tonong hindi naman galit pero nakikiusap na may ngiti pa rin ni Karla.

Natawa si Gerald sabay bitaw sa kamay ni Karla "Ay sorry. Oo nga. Dun na lang uli sa coffee shop?"

Mabilis at napapailing pang tumanggi si Karla "Wag na dun. Dun na lang sa kabilang side. Itetext ko na rin mga kaibigan ko para dun na lang ako puntahan. Sige baka may lakad ka pa at naistorbo pa kita. Salamat Gerald. "

Akmang aalis na si Karla nang habulin siya ni Gerald. "Sandali, Karla. Tatakbuhan mo na naman ako eh. Malakas pa rin ang ulan. Di naman ako nagmamadali. Ihahatid na kita ng payong hanggang dun sa pupuntahan mo."

Pumayag na rin si Karla at nagpasalamat. Dumiretso sila sa may katapat na Red Crab restaurant. Nagpasalamat muli si Karla kay Gerald. Ayaw pa sanang umalis ni Gerald dahil tingin nya ay mukhang may problema talaga si Karla. Ayaw nyang iwanan muna ito mag-isa sa pag-aalalang baka kung ano muli ang gawin nito. Subalit nag insist si Karla na parating na naman ang mga kaibigan kaya ok na siya. Nagpaalam na si Gerald ng biglang mula sa may tabi nila ay may biglang tumawag sa kanya.

"Uy Gerald, anong ginagawa mo dito?"

Napalingon si Gerald "Uy Jane. Andito ka rin pala."

Napalingon si Karla sa pamilyar na boses. "Jane? O andito na pala kayo. Itetext ko na sana kayo dahil dito na ko nagpunta. Baka kasi dun pa rin kayo sa Coffee Bean dumiretso. Teka. Magkakilala kayo?"

"Anlakas kasi ng ulan e. Saktong patawid na rin kami sana sa kabila ng bumuhos kaya yun. Dito na kami nagstay at patext na rin ako sa yo. At teka, ako dapat magtanong nyan eh. Pinsan ko yan si Gerald." Paliwanag ni Jane.

Kinagulat naman ito ni Karla. "Ah, small world ah. Ang totoo nyan Jane, dito lang din kami nagkakilala ni Gerald habang naghihintay sa inyo."  

"Siya yung nakwento ko na dati sa yo na pinsan kong hopeless romantic pero sobrang pihikan naman sa babae. Hay naku." Dagdag pa ni Jane sabay tapik sa balikat ni Gerald.

"Grabe ka naman pinsan.Nilalaglag mo naman ako eh. Actually, kakakilala ko lang sa kanya at hinatid ko lang siya dito dahil nakita ko siyang inabot ng ulan kanina habang naglalakad. Kasabay ko halos siya kaya pinasilong ko na rin. Paalis na rin talaga ako kasi sabi nya nga may mga kaibigan pa siyang pupuntahan." Nahihiyang paliwanag ni Gerald. Di na rin nya sinabi ang nangyari sa Coffee Bean dahil di siya sigurado kung gusto bang malaman ni Karla ng mga kaibigan ang nakita nyang pag-iyak nito.

"Yung totoo? May ginawa ba sa yo itong si Gerald at parang mugto yang mata mo at basang basa ka pa ha? Ikaw Gerald, kahit pinsan kita, wag mong pagttripan itong bestfriend ko ha." Biro muli ni Jane.

"Uy hindi. Mabait nga si Gerald eh. Nabasa kasi ako sa biglang buhos ng ulan habang naglalakad ako. Wala pa naman akong payong. Maga rin mata ko kasi kanina nung naliligo ako sa condo e biglang nawalan ng tubig. Nahilam ako ng todo sa shampoo. Buti na lang saglit lang nawalan. Kakairita talaga dun sa min." Pagsisinungaling ni Karla.

"O siya siya. Ano insan, baka gusto mong sumama sa lakad namin? Oks lang naman maging one of the girls ka paminsan minsan. hahaha" Aya ni Jane kay Gerald na tumanggi naman sa paanyaya. "Wag na insan. Kakahiya naman. Baka may mga paguusapan pa kayong di ko dapat marinig. Hehehe. Saka may lakad din talaga ako. Bibili lang muna ko ng kape tapos sibat na rin ako."

"Sige Gerald, salamat uli ha. Ingat ka" Bilin ni Karla na kinabigla ni Gerald. "Ikaw din Karla, I mean kayong lahat nila insan. Ingat kayo. It's really nice meeting you."

At naghiwalay na nga sila ng landas ng gabing iyon. Dahil sa lakas ng ulan at nabasa na rin nga si Karla, napagkasunduan na lang nila Jane na tumuloy sa isa pang bahay ng kaibigan para dun na lang maglibang at magpalipas ng gabi. Mas gusto rin ni Karla ang suhestyon dahil nga ayaw nya munang mag ikot sa mga pampublikong lugar dahil sa mga naranasan.

"Bestfriend pala siya ni Jane. Ok lang siguro kung hingin ko ang contact number nya sa pinsan ko. O kaya kahit Facebook account. Pero ano nga kaya ang dahilan at umiiyak siya kanina?" Bulong ni Gerald sa sarili habang naglalakad pabalik sa Coffee Bean.

 

Click here for part 1 (sa mga di nasimulan ang ating fictional story)

Thursday, August 11, 2016

MRT Serye: The Real Story of Karla and Ryan (Part 3)

"Ayos lang ako no. Wala yan. Mga haters at bashers lang yan. Talagang kumampi pa sila sa ungentleman na lalake na yun. Salamat mga friendships pero oks lang ako". At binaba na ni Karla ang phone pagkatapos ng mahaba nilang kwentuhan ng bestfriend niyang si Jane. Nag-aalala kasi ito sa kanya dahil nga sa dami ng mga hate messages at pambabash na inaabot nya ngayon sa social media.

Palabang babae si Karla. Kaya ito rin ang gusto nyang ipakita ngayon sa kabila ng matinding dagok na nangyayari ngayon sa buhay nya. Ayaw nya makita at maramdaman ng mga kaibigan nya na nalulungkot sya sa nangyayari. Ngayon, mag isa siya sa kanyang condo. Nakaupo siya sa kanyang single sized bed na may pink na Hello Kitty cover habang nakatingin siya sa picture ng family nya sa may side table ng kama nya. Namiss nya bigla ang pamilya nya sa probinsya. At bigla lumabo ang kanyang paningin. Napuno pala ng luha ang mga mata nya ng unti unti.


"Hay naku, wala ito. Hayaan ko sila at magsawa sila kadadakdak dyan. Di naman sila yung nakaranas na tumayo ng matagal dun at mapahiya sa kakatitig nung manhid na lalakeng yun. Kala nya di ko napapansin pagtingin tingin nya sa kin. Di naman pala ko papaupuin. Buisit talaga." Sabay punas ng luha gamit ang kanyang mga kamay.


"Makaligo na nga lang muna. May gimik pa nga pala kami nila Jane mamayang 5pm. Makapag unwind muna at kailangan ko ito ngayon. Ayoko rin magisang mag mukmok dito. Tama na muna internet at facebook at naii-stress lang ako sa mga nababasa ko."


 
Pagkatapos maligo, gumayak na si Karla at bumyahe papunta sa Eastwood kung saan sila magkikita nila Jane at ng ilan pa nilang barkada. Iniwasan din muna nya ang sumakay ng MRT dahil sa kaba na may makakilala sa kanya. Lalo ngayon at kalat na kalat na rin ang picture nya sa Facebook. Nag UBER na lang muna siya para safe. Pero kahit dito ay nappraning pa rin siya dahil lumilinga linga yung driver sa kanya at parang napapangiti pa ito at parang may tinawagan pa sa cellphone nung inabot sila ng stop light sa bandang Katipunan at narinig nyang sinasabi na "oo pare, eto nakasakay sya. At least dito wala siyang kaagaw sa upuan" sabay tawa. "May problema po ba?" ang tanong nya para ipaalam na napansin nya ang nangyayari. Sagot nung driver ay wala naman, at nag-green na nga ang stop light at dumiretso na sila sa byahe.

Pagdating sa Libis, dumiretso siya sa napagusapang meeting place sa Coffee Bean sa may Eastwood Mall. Dahil sa nangyari kanina, medyo naging ilag si Karla na makipagtinginan na o magpakita ng mukha sa ibang tao. Posible kasi na makilala siya ng mga ito. Naghanap siya agad ng upuan dun sa may sulok. Dumiretso sya dun. Di tulad ng dati, umoorder agad siya ng paborito nyang Caramel Machiatto pero sa takot na baka makilala siya ng ibang customer, umupo na lang muna siya. Nakarinig siya ng tawanan sa may gilid nya. Isang grupo ng apat na lalake ang nakatingin sa lugar nya habang hawak ang smart phones. Dinig na dinig nya ang usapan. Sabi pa nung isa "Pare, ok daw yan. Sige na, lapitan mo baka pumayag kahit 500 pesos. O kaya baka kahit 100 pesos card pang MRT e puede na rin. hahahaha"

Ang karaniwang Karla ay matapang. Kung kahapon ito nangyari ay malamang na sinugod nya at sinampal ang lalakeng ito. Subalit iba ang naramdaman nya ngayon. Na nagiisa siya na kinukutya ng mga tao. Mga taong di naman siya lubusan na kilala pero ngayon ay hinuhusgahan nila. Pero naalala nya, siya rin kasi ang nagsimula. Siya na nanghusga sa lalaking di lang naman siya pinaupo sa MRT pero andami na nyang sinabi. Nilait pa nya pati ang itsura. Napagtanto nya na di nya rin naisip ang masasabi ng ibang tao sa kanya.


"Kasalanan ko rin. Oo, nagkamali ako. Pero ano na ang gagawin ko? Marami nang tao ang galit. Marami na ang nanghuhusga" At muling tumulo ang luha sa mga mata ni Karla. Tumayo siya at lumakad ng mabilis. Ni hindi nya nilingon ang grupo ng lalake dahil alam nya na tinatawanan lang sya ng mga ito. Mabilis siyang lumabas, lumuluha at di alam kung ano ang susunod na gagawin.

Dire-diretso siya sa pinto palabas at dahil sa di nya pagtingin sa dinadaanan, di nya namalayan na may isa palang lalake na papasok naman sa loob ng coffee shop. Nabangga nya ito at siya ay napaupo sa sahig dahil sa nangyari. Nagtawanan ang mga tao dahil sa eksena.

Hindi agad nakabangon si Karla sa nangyari. At tuloy pa rin ang pagtulo ng luha sa kanyang mata. Nang inabot ng lalake ang kanyang kamay mula sa pagkakaupo nya sa sahig.

""Miss, ayos ka lang? Pasensya ka na. Di rin kita nakita agad. Masakit ba? Bakit ka umiiyak?"


Part 1 of MRT Serye
Part 2 of MRT Serye


Bukas po ang katuloy ng ating MRT Serye (Part 4 at mga susunod pa). Pakilike po ang ating Facebook Page na Libreng Kwento Daily para po sa mga updates. Salamat po.