#realkwento
#realkwento
Nag ROTC ako nung college. Naabutan ko pa yung 2 years na mandatory training. Ok naman kasi kahit papano, may nagagawa pag Linggo tapos araw pa yun para sabay sabay kami uli ng mga barkada ko nung highschool na kapareho ko ng university na pumasok at umuwi.
Malalakas magtrip din ang mga kasama ko lalo na yung kalbo naming tropa. Nagkataon nun na marami kasing dayami sa may field, yung mga natuyong damo. Napagtripan nyang bungkusin yung damo at pagkatapos ay isuksok sa loob ng tshirt ko sa likod. Ang kati! Sabay takbo at tawa. Ako naman ay pagpag ng pagpag at kamot ng kamot. Wala na ko magawa. Napagtripan na ko eh. Ang naisip ko na lang, babawi ako.
Pinalampas ko muna ang ilang sandali. At pagkatapos, nag-ipon na rin ako ng mga tuyong damo na sing dami ng nilagay ng katropa ko sa likod ko. At maya maya, nakita ko na siya. Eto si kalbo. Nakatalikod sa kin. Isa dalawa tatlo, suksok ng dayami! Takbo palayo! Tawa ko ng tawa. Yes, nakaganti na ko!
Bigla na lang may narinig ako na tawa rin ng tawa sa may kanan ko. Nakita nya siguro kalokohan ko, hehehe. At nilingon ko kung sino siya. Langya, si kalbong tropa ko ito! Teka, sino yung nilagyan ko? Wahhh!
Yung isang kalbo pala na classmate nya ang nalagyan ko. Pagtingin ko ay parang gulat na gulat siya sa nangyari. Habang pinapagpag ang dayami, iniisip niya siguro, bakit? Anong ginawa ko? Wala akong nagawa kundi lumapit at humingi ng dispensa. Pinaliwanag ko na dahil sa kalbong klasmeyt nya kaya ko nagawa at nagkamali ako. At tawa pa rin ng tawa si kalbo sa nangyari sa kin. Hay. Buti na lang di ako sinapak. Mabait pa yung klasmeyt nya at naging kabarkada na rin namin.
No comments:
Post a Comment