#kwentongpauso
Pagud na pagod ako sa trabaho ko sa araw-araw. Isa akong
bodegero sa isang maliit na grocery store sa bayan namin. Maliit lang ang sahod
kaya bawat araw na pinapasok ko ay importante dahil kung hindi, walang kakainin
ang mag-anak ko. May kinakasama ako at meron kaming tatlong anak na maliliit
pa; 4 na taong lalake ang panganay, 3 taon na lalake ang sumunod at 5 buwang
gulang naman ang bunsong babae. Ang asawa ko ay paextra-extra lang sa mga
kapitbahay pag may gustong magpapedicure o manicure. Pero bihira lang yun at 20
pesos lang ang bayad sa bawat sineserbisan nya. Pandagdag lang talaga.
Dagdag pa sa problema namin ang nakaambang paghina ng aming
trabaho dahil sa itinatayong mall sa katapat ng pinapasukan kong grocery. Sa
dinami dami ba naman ng lugar dito sa amin ay bakit ba kailangang sa katapat pa
mismo sa kabilang kalye ng pinapasukan kong mini-grocery itinayo itong mall.
Malas. Di na bago ang ganitong pangyayari. Marami na talagang nagsarang mga
maliliit na negosyo at nawawalan ng trabaho dahil sa biglang pagsulpot ng
naglalakihang establisyamentong tulad nito
Sinubukan ko sanang mag apply din dito pero dahil grade 4
lang ang tinapos ko, wala na agad pag-asa. Dapat pala e college level man lang
ang inabot. Nagtataka nga ko eh. Magbubuhat lang naman ako at magsasalansan ng
mga kahon, lata at bag ng mga produkto, kailangan pa ba ng college degree para
dun? Pero wala ako magagawa, yun ang kalakaran. Bahala na kung ano mangyayari
sa kin at sa pamilya ko. Kasalanan ko rin siguro, di kasi ko nakinig sa
magulang ko. Pero sinubukan ko naman mag-aral nun kaso nawalan ako ng gana kasi
para din namang walang gana kaming paaralin ng tatay at nanay ko. Basta lang
makapasok kami. Ni hindi kami mabigyan ng sapat na baon at kanya kanya kaming
diskarte para magkaroon ng mga gamit sa eskwela. Hindi man lang kami
kinakamusta kung ano nangyayari sa kin sa pag-aaral ko.
Ayun, sobrang bata ko pa pero napabarkada na ako sa mali at
natutong magbulakbol. Puro laro lang inatupag ko at di na ko pumapasok talaga. Grade
3 pa lang nagyoyosi na ko. Nung nalaman ng nanay ko na di na ako pumapasok,
imbes na pagsabihan ako ng tama, parang ok lang sa kanya yung nangyari. Sa
bahay na lang daw ako tutal e tamad naman daw ako mag-aral at mahina ang ulo. Makakatipid
pa raw sila. At puede pa raw ako maghanap ng pagkakakitaan para naman di maging
pabigat masyado. Pang-tatlo nga pala ako sa apat na magkakapatid. Kaming tatlong nauna ay di lahat nakatapos.
Yung bunso, may utak kahit papano, nasa college ngayon sa isang minor state
university. Working student din siya. Sana naman e makapagtapos siya. Siya na
lang siguro pag-asa ng mga magulang ko kahit papano.
Sa pagpasok ko araw-araw ay dumadaan ako sa ginagawang mall
sa harapan ng pinapasukan ko. Magandang tingnan pero alam kong hindi maganda
ang idudulot nito sa pamilya ko. Ngayong lunes ng umaga ay medyo iba ang bungad
ng umaga ko. Tirik na ang araw pero di pa ko nakakaalis. Nagkasakit kasi yung
panganay namin. Nakatapak kasi ng pako kahapon habang nangangalakal kasama ng
mga kalaro. Delikado, baka matetano. Alam kong kailangang dalhin sa ospital at
mapabakunahan agad pero dahil kapos talaga sa budget, kailangan kong antayin pa
mamaya ang sueldo ko. Sakto at a-kinse. Sabi ko sa asawa ko e ipangutang muna
ng paracetamol yung bata. Mamayang hapon e dadalhin na namin siya sa ospital.
Nagalit pa ko sa asawa ko dahil hinayaan nya pa kasing lumabas ang anak ko.
Kahit hirap kami,ayoko naman na nahihirapan ng ganon ang mga anak ko. Late na
ko sa trabaho kaya nagpaalam na ko sa asawa ko. Kinuha at isinuot ko yung aking
asul na baseball cap na kaisa-isang regalo na natanggap ko sa aking asawa mula
ng kami ay magsama. Luma na pero pananggalang kahit papano sa sikat ng araw. Alas
9 na rin kasi.
Papuntang trabaho, nadaan na naman ako sa ginagawang mall.
May mga sasakyang pang-construction na naglalakihan at nagpapatong ng
malalaking semento sa pinakaibabaw. Mukhang malapit nang matapos ang
istruktura. Nakakamanghang tingnan at nakakatakot din. Para bang nakaambang
disgrasya sa mga dumadaan. Pero sa isip isip ko, ang pagtayo ng mall na ito ang
mismong nakaambang disgrasya sa kabuhayan ng pamilya ko. Dumiretso na lang ako
ng paglakad. Ngunit di pa ko nakakalayo, biglang may isang malakas na kalampag
ang narinig ko sa di kalayuan. Aksidente palang bumagsak ang isa sa mga posteng
karga ng crane. Puro alikabok ang paligid at halos walang makita. Nagtatakbuhan
palayo ang maraming tao. Sakto naman at papatawid na ako kaya dumiretso na lang
ako sa trabaho at di na nakiusyoso. Sana ay walang nasaktan sa nangyari.
Nagmadali na akong pumasok. Sumulat ako ng mabilis sa
logbook at di ko na nga nagawang kausapin pa ang gwardya. Pero para siyang
balisa. Ni hindi ako nagawang sitahin sa pagkaka-late ko. Dumiretso ako sa
loob. Busy na ang lahat ng kasamahan ko. Pero sa isang tabi malapit sa may
puesto ng mga de lata na kung saan ay ang toka kong ayusin, nagkukumpulan ang ilan kong mga kasamahan. Habang nag-aayos ay nakinig ako sa kanila ng
pasimple. Kaninang umaga pala, kinausap sila ng amo namin. Tinapat na silang
lahat na hindi na mag-tatagal ang negosyo at 1 linggo na lang ay magsasara na.
Maglilipat na ng puwesto ang grocery pero malayo sa lugar namin kaya malabong
kami pa rin ang magttrabaho dun sa magiging bagong lokasyon nito. Bibigyan daw
kami ng separation pay na katumbas ng isang buwang sahod. Kaya di pa raw muna
ibibigay ang sueldo naming ngayong araw at isasabay na sa last pay namin sa
isang linggo.
Matagal na rin siguro pinlano ng amo ko ito simula pa lang
ng malaman nya ang itatayong mall sa harapan. Nalugmok akong lalo sa sitwasyon
ko. Alam kong mawawalan ako ng trabaho pero hindi ganon kabilis. Isa pa ay
ngayon pang may sakit ang anak ko. Paano kung lumala? Saka saan ako kukuha ng
ipapakain sa pamilya ko? Ang hirap. Pero kailangan kong harapin. Nandyan na eh.
Pero kailangan kong makausap ang amo ko. Maka-advance man lang dahil kailangang-kailangan
mapabakunahan ang anak ko.
Sinubukan kong lumapit pero parang mainit talaga ang ulo. Di
ko sya masisisi. Naglakas loob na ko magsalita dahil kailangang kailangan. “Ma’am,
puede ko ba kayo makausap. Importante lang po.”
Pero tuloy pa rin siya sa kanyang sinusulat. Lumapit yung
isa naming kasama na may dalang papel. Malamang ay imbentaryo. Iniabot nya sa
amo namin ang papel. Hindi rin siya pinansin. Ipinatong na lang nya sa lamesa.
Mukhang walang pag-asa na makausap ang amo ko. Umalis na lang ako. Umasa ako na
sana ay nakuha sa paracetamol ang lagnat ng anak ko. Sana ay hindi lumala.
Kahit papano ay hahaba naman ang pisi din naming pag natanggap ang last pay ko.
At sisimulan ko na rin maghanap ng bagong papasukan.
Pagdating na hapon, uwian na namin, naglakad na ako pauwi. Nagmamadali na ko dahil gusto kong malaman ang estado ng anak ko. Mabilis kong nilakad ang mga kalye hanggang sa nakarating ako sa amin. Pero pagdating ko sa bahay, nakasarado. Pilit akong kumatok at tinawag ang asawa ko pero walang sumasagot. Kinabahan ako. Hindi ko alam kung san ako pupunta. Baka sa ospital kaya? Wala pa naman kaming cellphone mag-asawa. Isa lang ang meron kami dati na nasira na din dahil sa kalumaan. Pati mga kapitbahay ko halos walang tao sa labas kaya wala ako mapagtanungan. Puro mga bata lang na nagtatakbuhan at naglalaro.
Pagdating na hapon, uwian na namin, naglakad na ako pauwi. Nagmamadali na ko dahil gusto kong malaman ang estado ng anak ko. Mabilis kong nilakad ang mga kalye hanggang sa nakarating ako sa amin. Pero pagdating ko sa bahay, nakasarado. Pilit akong kumatok at tinawag ang asawa ko pero walang sumasagot. Kinabahan ako. Hindi ko alam kung san ako pupunta. Baka sa ospital kaya? Wala pa naman kaming cellphone mag-asawa. Isa lang ang meron kami dati na nasira na din dahil sa kalumaan. Pati mga kapitbahay ko halos walang tao sa labas kaya wala ako mapagtanungan. Puro mga bata lang na nagtatakbuhan at naglalaro.
Palabas na ko ng masikip na eskinita mula sa amin, napadaan
ako sa tindahan na malamang pinag-utangan ng asawa ko ng gamot para anak ko. Magtatanong
na rin sana ko pero nakita kong nakikipagtsismisan yung tindera at isang
kapitbahay namin. Sa lakas ng boses nila ay narinig ko ang sinasabi nila malayo
pa lang ako. Dumiretso na raw nga ng ospital yung asawa ko. Lalong lumakas ang
kaba ko. Napatakbo ako mula sa aking pagkakatayo. Papuntang ospital ay dadaan
muli sa kalyeng pagitan ng pinapasukan ko at ng mall. Medyo nagkakagulo pa sa
gitna dahil may mga bulldozer at truck na nagtatanggal ng mga batong nalaglag
at nadurog kanina. May mga police lines pa nga. At sa gilid ay mga usisero. At
karamihan pa sa kanila ay kakilala ko. Andito pala ang mga kapitbahay ko kaya wala
sila dun sa lugar namin.
Normal ata sa tao ang gustong makakita ng mga ganito.Nakalimutan
kong nagmamadali ako pansumandali. Lumapit ako sa kumpulan ng mga kapitbahay ko
para umusyoso saglit. Puro palatak at buntong hininga ang naririnig ko. May
nadisgrasya pala. Dalawang tao ang nabagsakan ng mga bato. Patay agad. At
ngayon ngayon lang naalis ang katawan dahil na rin sa mabigat na mga batong
nahulog at kinailangan pa ng mga malalaking panghakot para maalis. Nadala na
raw sa morgue ang mga katawan. Pero kita pa rin sa kalsada ang mantsa ng dugo
mula sa mga naging biktima. At sa tabi ng mga bahid ng dugo at mga bato, aking napansin, ay nandoon din ang pamilyar
na asul na baseball cap.
No comments:
Post a Comment