Friday, August 29, 2014

Aktingan Blues

Mahirap na masarap ang maging part ng teatro. Yung aacting-acting ka sa harap ng maraming tao, maraming salitang kinakabisado, mga pagkilos at paggalaw ng kamay, paa, ulo, mata, pagpractice sa araw araw hanggang sa dis oras ng gabi, lahat yan ay kabahagi na ng pag-arte. Walang cut, walang take two, dire diretso. Pag may mali, dapat wag mo na lang pahalata. Pag nakalimutan mo ang script, mag imbento ka o pag di makapagimbento ang kabatuhan mo, gumawa ka ng paraan at mag adlib ka para maipaalala ang sasabihin nya. Masarap tingnan yung finish product pero yung behind the scenes, yun ang nakakapagod at nakakatuwa na rin.

Hindi naman ako ganon katagal naging part ng ganitong samahan. High school ng madiskubre ko na ang kaartehan ko pala sa buhay ay may madudulot na produktibong pangyayari. Kahit papano kumita pa nga ako ng konti nun nung napili kaming mapasama sa Centennial Drama presentation ng isang production firm. Kasama pa namin ang ilang artista sa tv bilang mga pangunahing karakter. Ilang beses din kaming nakasali dun pero sumuko rin kami sa bandang dulo dahil ang hirap. Puyatan sa mga practices, tapos bukod dun e kami rin ang taga ayos ng stage dahil walang staff, at kung ano ano pang bagay na medyo nakaapekto na sa studies namin. Naks. Pero totoo yun.




Maraming mga ilang pangyayari sa maigsing panahong iyon ang di ko makakalimutan. Narito ang ilan:

1. Nung sa Gabriela Silang show, may isang palabas kami na pinasukan ng kalokohan sa kukote ang mga kasamahan kong bidang lalake. Yung Diego Silang (na isang artista na paminsan minsan ay nakikita pa rin sa TV ngayon) na supposedly namatay na dun sa kasunod na mga eksena. Pero sumama-sama pa rin sa mga sumunod. Nagsuot ng damit babae kunwari at nakikigulo. Pagkatapos, yung huling eksena ni Gabriela na papatayin na siya, binago ng pinunong gwardya sibil ang pangyayari. Tinakpan nya ang ulo ni Gabriela kaya antagal na huminto ang eksena na walang nangyayari. Nakalimutan kasi nya na may sasabihin pa si Gabriela dapat bago ma-deads. So ako yung gwardya sibil na pinabalik sa stage para alisin ang cover. E di ako ready nun kasi alam ko wala na ko eksena nun. Kaya mukha akong ewan na lumapit sa stage na parang lasing na gwardya sibil. Galit na galit ang direktor namin pagkatapos. 

2. Yung unang praktis namin sa dating kapitolyo pa ng Rizal sa Pasig, nagpunta kami ng kasamahan kong babae sa lugar. Tatlo dapat kami pero di pa nakasama yung isa. At dun namin naranasan na ganon pala talaga ang mga artista sa mga shooting. Mga bida ang nale-late. Ilang oras kami nag-antay. Wala pa naman akong pera. May miryenda naman ata dapat dun kaso wala pa sila kaya wala rin kami pagkain. Buti yung kasama ko may baong pera at sya na ang bumili ng pagkain namin. Dyahe. Hirap pala talagang maging extra.

3. Sa isang school play, ako naman ang gumanap na pinunong gwardya sibil. May eksena na tutusukin ko ng espada ang isa kong kaklaseng babae na nakahiga bilang pang huling aksyon sa isang matinding labanan. May effect pa dapat na dugo yun. Ang problema, di nya nalagyan ng tamang marker kung san nakalagay. Mali ko lang, masyado ko inemphasize yung paghanap sa dugo. Tinusok ko ng isang beses, walang lumabas. dalawa tatlo apat.... tapos natatawa na yung kaklase ko. Sabi ko tama na. Tapos yung mga teachers and judges na naiiyak na sana sa mga eksena, nakita ko rin na natatawa na. Ayun, nag second place lang tuloy kami sa contest. Di rin ako nanalong best supporting actor. Buti walang best comedy actor, baka nakuha ko yung award. 

4. Muntik na rin akong sumali sa isang stage play na musical. Yung Joseph the Dreamer. Nag audition kami nung mga kasamahan ko sa school at pumasa naman kami. Pagkatapos nun ay sinama pa namin ang ibang classmates namin. Kaso nagkataon na nasama rin ako sa selection ng city namin para sa maglalaro ng Tennis sa Rizal Province unit meet. Madali lang ang ginawa kong pagpili. Nakailang sali na ko sa play eh. First time ko umabot sa ganitong level ng laro. So Tennis ang pinili ko. In the end, naging reserve lang ako sa Tennis team namin kasi magagaling talaga kasama ko. Ok na rin kasi may allowance naman kami, libre nood pa ko tapos exempted pa sa exams. hehehehe. Ayun nga lang, di na ko nakasali sa play. Tapos may isa pang nangyari dun sa di ko pagsali. Pero di ko pa siguro kayang ikwento dito yun. Baka sa susunod na lang. Promise. 

5. Yung pagganap na Rizal naman na ang set up, nagpaparada kayo tapos tuwing hihinto sa ilang lugar, aacting kayo. Iba-ibang eksena yung kasali sa buong parada. Sa kin yung pagbaril kay Rizal. Imagine, kada kanto, humihiga ako. Ang init ng kalye. Pero ok lang, the show must go on. Saka lumalapit naman sa kin kada eksena si Josephine Bracken na classmate ko rin na crush ko dati. Hahaha. Lagot.

6. Ang pinakamaigsing eksena ko naman sa isang play ay tumagal ng mahigit kumulang 30 seconds sa stage. Yun yung interpretative ang dating ng isang kanta. Bohemian Rhapsody. Bale dalawa kami na gumanap na pulis sa huli na dinampot na yung bida para ikulong dahil sa nagawa nyang kasalanan. 

7. Minsan, gumagawa rin kami ng plays namin sa ilang subject. Pag nagsama sama kami ng mga tropa, sigurado kami ang pinaka-entertaining na palabas. Not necessarily pinaka educational. Pero natutuwa (or natatawa) din naman yung teachers namin pag ginagawa namin yun. Isa na yung Tom Thumb. Nanalo kami ng award dahil dun. Most economical. Puro papel at dyaryo kasi makikita sa buong paligid ng play namin. Pero ang the best talaga yung ginawa namin yung "Tirad Pass" na pelikula bilang plot ng play namin patungkol sa kalinisan. Kung nakapanood kayo ng mga movie tulad ng "Scary Movie", "Not Another Teen Movie", "Vampire Sucks" at iba pang pag spoof ng mga sikat na pelikula, ganon ang kinalabasan ng ginawa namin. At walang ginawa ang mga kaklase ko kundi tumawa ng tumawa. Pero paano naman pumasok yung lesson about kalinisan? Wala naman, basta may eksenang matatapos ay biglang may magsasabi ng "sige linisin nyo na yan. walisin nyo ang kalat". Pasok di ba?

8. Si Don Juan Sumulong ay kilalang figure sa Antipolo. Sa buong Pilipinas naman, sa kasaysayan, siya ay kinikilalang  Utak ng Oposisyon. Siya ang nasa kabilang kampo ng administrasyong Quezon noon. Dati siyang senador by the way at maganda ang kwento ng buhay nya, from rags to riches ika nga.  Tubong Antipolo siya. Dalawang beses akong gumanap na Don Juan tuwing ginaganap ang anniversary ng kamatayan nya sa dating Antipolo Plaza. Yung pangalawang beses na gumanap ako bilang Don Juan, 4th year high school ako nun. Naghanap sila ng gaganap na batang Don Juan, ako yung matanda. Ang napili nila ay yung kapatid ko na first year naman noon.


Masaya rin talaga ang sumali sa mga aktingan na ganyan. Minsan nga nakakamiss lalo pag nakakapanood ako ng mga plays. Kung mag-audition kaya ako uli? Asa pa. hehehe.

Thursday, August 21, 2014

Wag Tumawa sa Pamparegla

#realkwento

Napagtripan kong bumili ng speakers na may amplifier dati. Ang alam ko na okay na bilihan ay sa Raon. Halos lahat ng ECE students naman siguro sa Metro Manila ay pamilyar sa lugar bilang electronics capital, pero hindi of the world.

Sinama ko ang tatlong tropa kong kalugar namin. Bago kami dumiretso sa Raon ng araw ding yun ay nagpunta muna kami sa Megamall. May sale ng mga brands ng sapatos sa Megatrade Hall nun. Pero di kami bumili dahil wala naman kami pambili. Kumain na lang muna din kami sa bubuyog bago tumuloy ng Raon. Ang nasakyan namin ay hanggang bandang Quiapo Church lang ang baba. Dun na lang kami naglakad-lakad muna.

Napadaan kami sa mga tindahan ng kung ano-anong mga gamot, anting-anting at ugat ugat. Dahil first time ng isa kong kasama dun sa lugar, naexcite sya sa kanyang nakita at medyo napalakas din ang boses nya. Tinuro nya ang mga nakikita nya.



Tropa 1:  Ayos to o, pamparegla hehehe. (With matching turo turo)
Tindero ng pamparegla: Anong nakakatawa, gusto mo pareglahin kita? (Lalake po ang barkada ko)
Tindero/Tindera 3,4,5,6....: May problema ata sa tinda natin yan eh.... Oo nga, mayabang masyado.. Blahblahblah (at kung ano ano pang pananakot)
Tropa 2: Tara pre bilisan na natin
Ako: (lakad ng matulin na parang di sila kilala)




Hanggang sa nakalayo na kami sa kumpulan. Tatawa tawa pero namutla yung kasama naming first time sa Quiapo. Nakarating din kami sa Raon at nakabili ng speakers. Nakauwi rin naman kami ng maayos at mapayapa. Simula noon, naging tahimik na yung tropa namin na yun. Ay di pa pala, kasi may pangyayari pa minsan na may humarurot na motor habang papauwi kami galing sa pagkain ng lugaw isang gabi.

Medyo malakas pa rin ang boses nya at may sinabi sya pero di naman patungkol sa humarurot. at yung mayabang na nakamotor, binalikan pa kami at akmang bubunot ng kung ano sa may bewang nya. Ano daw problema namin. Napatakbo ako sa guard ng katapat na gas station. Natakot din ako nun at pinablotter namin yung lalake na umalis din naman agad. Pero wala na rin mangyayari dun. Di namin namukhaan dahil nakahelmet sya pero ang palatandaan namin ay pilay pilay siya maglakad. Pito ata  kami nun. Dapat ata ginulpi na lang namin saka namin pinapulis dahil sabihin namin e may binubunot kasi e. Kaso pano kung panyo lang pala. At isa pa, masama ang manakit. Unless self defense pero ok na yun. At least walang napahamak.

Kaya minsan, di rin maganda masyado malakas ang boses. Lalo na pag nasa gitna ka ng tindahan ng pamparegla o sa harap ng humaharurot na motor. Ewan. Basta may tao lang siguro talaga na wala sa lugar ang tapang.

Sunday, August 17, 2014

Kinapos sa, at ng Buhay

#kwentongpauso

Pagud na pagod ako sa trabaho ko sa araw-araw. Isa akong bodegero sa isang maliit na grocery store sa bayan namin. Maliit lang ang sahod kaya bawat araw na pinapasok ko ay importante dahil kung hindi, walang kakainin ang mag-anak ko. May kinakasama ako at meron kaming tatlong anak na maliliit pa; 4 na taong lalake ang panganay, 3 taon na lalake ang sumunod at 5 buwang gulang naman ang bunsong babae. Ang asawa ko ay paextra-extra lang sa mga kapitbahay pag may gustong magpapedicure o manicure. Pero bihira lang yun at 20 pesos lang ang bayad sa bawat sineserbisan nya. Pandagdag lang talaga.

Dagdag pa sa problema namin ang nakaambang paghina ng aming trabaho dahil sa itinatayong mall sa katapat ng pinapasukan kong grocery. Sa dinami dami ba naman ng lugar dito sa amin ay bakit ba kailangang sa katapat pa mismo sa kabilang kalye ng pinapasukan kong mini-grocery itinayo itong mall. Malas. Di na bago ang ganitong pangyayari. Marami na talagang nagsarang mga maliliit na negosyo at nawawalan ng trabaho dahil sa biglang pagsulpot ng naglalakihang establisyamentong tulad nito




Sinubukan ko sanang mag apply din dito pero dahil grade 4 lang ang tinapos ko, wala na agad pag-asa. Dapat pala e college level man lang ang inabot. Nagtataka nga ko eh. Magbubuhat lang naman ako at magsasalansan ng mga kahon, lata at bag ng mga produkto, kailangan pa ba ng college degree para dun? Pero wala ako magagawa, yun ang kalakaran. Bahala na kung ano mangyayari sa kin at sa pamilya ko. Kasalanan ko rin siguro, di kasi ko nakinig sa magulang ko. Pero sinubukan ko naman mag-aral nun kaso nawalan ako ng gana kasi para din namang walang gana kaming paaralin ng tatay at nanay ko. Basta lang makapasok kami. Ni hindi kami mabigyan ng sapat na baon at kanya kanya kaming diskarte para magkaroon ng mga gamit sa eskwela. Hindi man lang kami kinakamusta kung ano nangyayari sa kin sa pag-aaral ko.

Ayun, sobrang bata ko pa pero napabarkada na ako sa mali at natutong magbulakbol. Puro laro lang inatupag ko at di na ko pumapasok talaga. Grade 3 pa lang nagyoyosi na ko. Nung nalaman ng nanay ko na di na ako pumapasok, imbes na pagsabihan ako ng tama, parang ok lang sa kanya yung nangyari. Sa bahay na lang daw ako tutal e tamad naman daw ako mag-aral at mahina ang ulo. Makakatipid pa raw sila. At puede pa raw ako maghanap ng pagkakakitaan para naman di maging pabigat masyado. Pang-tatlo nga pala ako sa apat na magkakapatid.  Kaming tatlong nauna ay di lahat nakatapos. Yung bunso, may utak kahit papano, nasa college ngayon sa isang minor state university. Working student din siya. Sana naman e makapagtapos siya. Siya na lang siguro pag-asa ng mga magulang ko kahit papano.



Sa pagpasok ko araw-araw ay dumadaan ako sa ginagawang mall sa harapan ng pinapasukan ko. Magandang tingnan pero alam kong hindi maganda ang idudulot nito sa pamilya ko. Ngayong lunes ng umaga ay medyo iba ang bungad ng umaga ko. Tirik na ang araw pero di pa ko nakakaalis. Nagkasakit kasi yung panganay namin. Nakatapak kasi ng pako kahapon habang nangangalakal kasama ng mga kalaro. Delikado, baka matetano. Alam kong kailangang dalhin sa ospital at mapabakunahan agad pero dahil kapos talaga sa budget, kailangan kong antayin pa mamaya ang sueldo ko. Sakto at a-kinse. Sabi ko sa asawa ko e ipangutang muna ng paracetamol yung bata. Mamayang hapon e dadalhin na namin siya sa ospital. Nagalit pa ko sa asawa ko dahil hinayaan nya pa kasing lumabas ang anak ko. Kahit hirap kami,ayoko naman na nahihirapan ng ganon ang mga anak ko. Late na ko sa trabaho kaya nagpaalam na ko sa asawa ko. Kinuha at isinuot ko yung aking asul na baseball cap na kaisa-isang regalo na natanggap ko sa aking asawa mula ng kami ay magsama. Luma na pero pananggalang kahit papano sa sikat ng araw. Alas 9 na rin kasi.




Papuntang trabaho, nadaan na naman ako sa ginagawang mall. May mga sasakyang pang-construction na naglalakihan at nagpapatong ng malalaking semento sa pinakaibabaw. Mukhang malapit nang matapos ang istruktura. Nakakamanghang tingnan at nakakatakot din. Para bang nakaambang disgrasya sa mga dumadaan. Pero sa isip isip ko, ang pagtayo ng mall na ito ang mismong nakaambang disgrasya sa kabuhayan ng pamilya ko. Dumiretso na lang ako ng paglakad. Ngunit di pa ko nakakalayo, biglang may isang malakas na kalampag ang narinig ko sa di kalayuan. Aksidente palang bumagsak ang isa sa mga posteng karga ng crane. Puro alikabok ang paligid at halos walang makita. Nagtatakbuhan palayo ang maraming tao. Sakto naman at papatawid na ako kaya dumiretso na lang ako sa trabaho at di na nakiusyoso. Sana ay walang nasaktan sa nangyari.

Nagmadali na akong pumasok. Sumulat ako ng mabilis sa logbook at di ko na nga nagawang kausapin pa ang gwardya. Pero para siyang balisa. Ni hindi ako nagawang sitahin sa pagkaka-late ko. Dumiretso ako sa loob. Busy na ang lahat ng kasamahan ko. Pero sa isang tabi malapit sa may puesto ng mga de lata na kung saan ay ang toka kong ayusin, nagkukumpulan ang ilan kong mga kasamahan. Habang nag-aayos ay nakinig ako sa kanila ng pasimple. Kaninang umaga pala, kinausap sila ng amo namin. Tinapat na silang lahat na hindi na mag-tatagal ang negosyo at 1 linggo na lang ay magsasara na. Maglilipat na ng puwesto ang grocery pero malayo sa lugar namin kaya malabong kami pa rin ang magttrabaho dun sa magiging bagong lokasyon nito. Bibigyan daw kami ng separation pay na katumbas ng isang buwang sahod. Kaya di pa raw muna ibibigay ang sueldo naming ngayong araw at isasabay na sa last pay namin sa isang linggo.

Matagal na rin siguro pinlano ng amo ko ito simula pa lang ng malaman nya ang itatayong mall sa harapan. Nalugmok akong lalo sa sitwasyon ko. Alam kong mawawalan ako ng trabaho pero hindi ganon kabilis. Isa pa ay ngayon pang may sakit ang anak ko. Paano kung lumala? Saka saan ako kukuha ng ipapakain sa pamilya ko? Ang hirap. Pero kailangan kong harapin. Nandyan na eh. Pero kailangan kong makausap ang amo ko. Maka-advance man lang dahil kailangang-kailangan mapabakunahan ang anak ko.
Sinubukan kong lumapit pero parang mainit talaga ang ulo. Di ko sya masisisi. Naglakas loob na ko magsalita dahil kailangang kailangan. “Ma’am, puede ko ba kayo makausap. Importante lang po.”

Pero tuloy pa rin siya sa kanyang sinusulat. Lumapit yung isa naming kasama na may dalang papel. Malamang ay imbentaryo. Iniabot nya sa amo namin ang papel. Hindi rin siya pinansin. Ipinatong na lang nya sa lamesa. Mukhang walang pag-asa na makausap ang amo ko. Umalis na lang ako. Umasa ako na sana ay nakuha sa paracetamol ang lagnat ng anak ko. Sana ay hindi lumala. Kahit papano ay hahaba naman ang pisi din naming pag natanggap ang last pay ko. At sisimulan ko na rin maghanap ng bagong papasukan.

Pagdating na hapon, uwian na namin, naglakad na ako pauwi. Nagmamadali na ko dahil gusto kong malaman ang estado ng anak ko. Mabilis kong nilakad ang mga kalye hanggang sa nakarating ako sa amin. Pero pagdating ko sa bahay, nakasarado. Pilit akong kumatok at tinawag ang asawa ko pero walang sumasagot. Kinabahan ako. Hindi ko alam kung san ako pupunta. Baka sa ospital kaya? Wala pa naman kaming cellphone mag-asawa. Isa lang ang meron kami dati na nasira na din dahil sa kalumaan. Pati mga kapitbahay ko halos walang tao sa labas kaya wala ako mapagtanungan. Puro mga bata lang na nagtatakbuhan at naglalaro.



Palabas na ko ng masikip na eskinita mula sa amin, napadaan ako sa tindahan na malamang pinag-utangan ng asawa ko ng gamot para anak ko. Magtatanong na rin sana ko pero nakita kong nakikipagtsismisan yung tindera at isang kapitbahay namin. Sa lakas ng boses nila ay narinig ko ang sinasabi nila malayo pa lang ako. Dumiretso na raw nga ng ospital yung asawa ko. Lalong lumakas ang kaba ko. Napatakbo ako mula sa aking pagkakatayo. Papuntang ospital ay dadaan muli sa kalyeng pagitan ng pinapasukan ko at ng mall. Medyo nagkakagulo pa sa gitna dahil may mga bulldozer at truck na nagtatanggal ng mga batong nalaglag at nadurog kanina. May mga police lines pa nga. At sa gilid ay mga usisero. At karamihan pa sa kanila ay kakilala ko. Andito pala ang mga kapitbahay ko kaya wala sila dun sa lugar namin.

Normal ata sa tao ang gustong makakita ng mga ganito.Nakalimutan kong nagmamadali ako pansumandali.  Lumapit ako sa kumpulan ng mga kapitbahay ko para umusyoso saglit. Puro palatak at buntong hininga ang naririnig ko. May nadisgrasya pala. Dalawang tao ang nabagsakan ng mga bato. Patay agad. At ngayon ngayon lang naalis ang katawan dahil na rin sa mabigat na mga batong nahulog at kinailangan pa ng mga malalaking panghakot para maalis. Nadala na raw sa morgue ang mga katawan. Pero kita pa rin sa kalsada ang mantsa ng dugo mula sa mga naging biktima. At sa tabi ng mga bahid ng dugo at mga bato, aking napansin, ay nandoon din ang pamilyar na asul na baseball cap.




Saturday, August 16, 2014

Ang Notebook sa Halamang Nakasabit



#realkwento

Hindi ako yung kilalang loko-loko sa eskwela. Goodie goodie pa nga ang tingin sa kin ng marami lalo sa mga teachers pero di nila alam, nung elementary ay halos walang araw na di ata ako nakipag-away. Pikon kasi ako. Suntukan at iyakan ang madalas na ending ng mga ganitong pangyayari. Pero kahit ganon pa man ay namaintain ko naman ang grades ko at consistent pa nga akong honor noon. Pagdating ko ng highschool naman, kahit papano nabawasan ko na ang pagkapikon. Di na ko nakikipag-away. O nabawasan na lang din siguro ang pang-aasar sa kin ng mga kaklase ko. 

Pero kahit pikon ako, isa na ko sa malakas din magtrip talaga. Meron nga kong kaklase na napauwi ko sa kanya ang bag na di nya pag-aari ng di nya nalalaman. Meron naman na laging may mga balat ng candy ang sapatos nya. Meron naman na hinanap ako ng nanay nya kinabukasan dahil sa nagdrawing ako ng isang cartoon character na pang-asar namin sa kanya at nilagay ko sa bag nya. At buti di ako inabutan ng nanay pagdating. Ikkwento ko rin lahat ng ito sa inyo. Pero itong ibabahagi ko ngayon ay nagstand out talaga kasi di lang basta teacher ang nakahuli sa kin. Principal pa.



Uso kasi talaga ang lakas trip sa min nung high school. Taguan ng kung ano anong gamit at kung anu-ano pa. Merong isa akong classmate na tamad magdala ng gamit. Imbes na isang notebook kada subject, siya naman ay isang makapal na notebook para sa lahat na. Ewan ko kung bakit ko naisip na siya ang pagtripan. Siguro nabiktima na din nya ko kaya ako gumanti. O dahil siguro wala lang talaga at gusto ko lang siyang lokohin ng time na yun.

Yung notebook nya na kaisa isa na lang, tinago ko yun. May hanging plant dun sa may likod namin at dun ako malapit nakaupo. Alphabetical kasi ang ayos ng upo kaya sa dulo ako napunta. Natapos ang first subject naming at di ko isinoli yung notebook sa kaklase ko. Natawa ako sa kalokohan ko lalo na nung nakita ko siyang mukhang bad trip na talaga at di alam kung san hahagilapin ang notebook nya. Pagkatapos ng first subject, umalis na yung teacher namin pagka-ring ng bell. At nawala na nga sa isip ko ang tinago kong notebook.

Ang sumunod na subject namin ay English. Ang teacher namin doon ay ang principal naming. Magaling siyang teacher at isa talaga sa di ko malilimutan. Talagang malupet ang pagtuturo nya sa amin kaya nga pagdating ng college, sisiw na lang sa kin ang English subjects ko dahil talagang todo-todo kami sa syntaxing at diagramming ng sentences at pagbabasa ng mga literatures sa high school pa lang. Pero balik tayo muna dun sa nangyari sa notebook.

After ng lesson namin sa aming butihing principal, pinacopy nya kami ng mga notes na sinulat nya sa blackboard. Bawal ang tamad magsulat. Nagchecheck din kasi siya ng notebooks naming after each grading. Kaya dapat ok ang notes mo and everyday, may quotes pa na shine-share siya sa min.
Habang tahimik ang lahat at busy sa pagsusulat, bigla na lang nagsalita ang teacher naming. Tinatanong nya yung kaklase ko kung bakit di siya nagsusulat. At sabi ng classmate ko, nawawala daw kasi ang notebook nya. At dun ko lang naalala na di ko pa rin pala sinosoli yung notebook. 

Plano ko lang sana eh isang subject  ko lang itago dun sa halaman. Nawala na sa isip ko. Sa sobrang taranta, bigla ako tumayo sa silya at inabot yung notebook sa hanging plant. At inabot ko sa kaklase ko ng walang sali-salita. Naisip ko nga ngayon, bakit ko ba ginawa yun. Puede namang kunwari na lang na di ako ang nagtago at isipin ng teacher ko na sa ibang lugar naiwan yung notebook. Pero siguro, natural lang sa kin ang maging mabait kaya ko ginawa yun. At patunay nga dun na imbes na pagalitan ako ng principal namin, ang comment lang nya nun ay parang sabi nya na nagiging pasaway na rin ako. Di ko maalala yung exact words nya. English kasi. 

Imaginin nyo yun, diretso sana ko sa principal’s office. Pero dahil mabait ako, buti na lang, nakaligtas ako sa kapahamakan. Kaya kayo kids, gayahin nyo ko, magpakabait din kayo ha. Biro lang. Dapat pag nagtago kayo ng gamit ng kaklase nyo, isoli nyo rin after ng isang subject. Masyado na yung 2 subjects na torture. Teka, uso pa ba yung notebook (na papel) sa kabataan ngayon?

Thursday, August 14, 2014

Si Kalbo at ang Dayami

#realkwento
#realkwento

Nag ROTC ako nung college. Naabutan ko pa yung 2 years na mandatory training. Ok naman kasi kahit papano, may nagagawa pag Linggo tapos araw pa yun para sabay sabay kami uli ng mga barkada ko nung highschool na kapareho ko ng university na pumasok at umuwi.

Malalakas magtrip din ang mga kasama ko lalo na yung kalbo naming tropa. Nagkataon nun na marami kasing dayami sa may field, yung mga natuyong damo. Napagtripan nyang bungkusin yung damo at pagkatapos ay isuksok sa loob ng tshirt ko sa likod. Ang kati! Sabay takbo at tawa. Ako naman ay pagpag ng pagpag at kamot ng kamot. Wala na ko magawa. Napagtripan na ko eh. Ang naisip ko na lang, babawi ako.



Pinalampas ko muna ang ilang sandali. At pagkatapos, nag-ipon na rin ako ng mga tuyong damo na sing dami ng nilagay ng katropa ko sa likod ko. At maya maya, nakita ko na siya. Eto si kalbo. Nakatalikod sa kin. Isa dalawa tatlo, suksok ng dayami! Takbo palayo! Tawa ko ng tawa. Yes, nakaganti na ko!

Bigla na lang may narinig ako na tawa rin ng tawa sa may kanan ko. Nakita nya siguro kalokohan ko, hehehe. At nilingon ko kung sino siya. Langya, si kalbong tropa ko ito! Teka, sino yung nilagyan ko? Wahhh!

Yung isang kalbo pala na classmate nya ang nalagyan ko. Pagtingin ko ay parang gulat na gulat siya sa nangyari. Habang pinapagpag ang dayami, iniisip niya siguro, bakit? Anong ginawa ko? Wala akong nagawa kundi lumapit at humingi ng dispensa. Pinaliwanag ko na dahil sa kalbong klasmeyt nya kaya ko nagawa at nagkamali ako. At tawa pa rin ng tawa si kalbo sa nangyari sa kin. Hay. Buti na lang di ako sinapak. Mabait pa yung klasmeyt nya at naging kabarkada na rin namin.

Ang Service sa Hotel

#realkwento
#realkwento

Nangyari ito nung minsang nagkaroon ng malaking problema yung kliyente namin sa dati kong trabaho. Nagdown yung isang production server ng kliyente. Dahil dun, nagkaroon ng option na dun muna kami magstay sa kalapit na hotel ng opisina naming sa bandang Mandaluyong para lagi kaming available at madali kami makakapunta sa opisina. E di ayos na rin. May buffet na almusal sa umaga tapos sa aircon pa kami natutulog. Sarap. Pero siyempre, may hirap din kasi tuloy tuloy ang trabaho namin.

Nung pangalawang gabi, may 2 pa kaming kasama from another team na sasama sa kwarto namin. Dalawa sila, isang medyo senior na at isang mas bata sa kin. Pareho silang makulit at masayang kasama. Kaya dahil dun, gusto nila kaming igood time pagpasok nila dun sa room na pinagstay-an naming sana. Kaya binigay namin ang room number dahil mas nauna kaming umalis ng opisina kesa sa kanila.



At nung kinagabihan na nga, dumating sila sa hotel. At tinanong nila sa receptionist kung  saan ang room number na binigay namin. At nung dumating sila, may dala silang konting chicha at inumin pamparelax ng konti kumbaga. At nung nakarating  sila kumatok na sila sa kwarto.


Officemate number 1:  (knock knock knock)
Man in the room:  Who’s there?
Officemate number 2:  Service.
Man in the room:  Service for what?
Officemate number 1:  Service for pleasure.

At binuksan na nga ang pinto at laking gulat nila na ang bumulaga sa kanila ay isang half naked man na foreigner na balbas sarado na akala nila ay yung team lead ko ang nagsalita dahil kaboses nya. Talikod sila after magsorry at hiyang hiyang umalis.

Tama naman ang room number na pinuntahan. Ang lesson ng kwento, dapat itanong rin kasi ang pangalan ng hotel.


Libreng Kwento? At Daily Pa.

Bakit libreng kwentong daily? E kasi mahilig tayong mga Pinoy sa libre. At past time din nating lahat magkwentuhan kahit san ka mapunta, mauubos ang oras sa mga kwento kahit di mo pa nga masyado kilala. At mas maganda lahat yan kung araw-araw. Ayos ba?