Monday, March 7, 2016

Asong Gala Naman O

Yung aksidente sa kalye, yan yung puede sana maiwasan at di mangyari kung pareho lang nag iingat yung drivers at yung mga tumatawid. Simpleng pagsunod sa batas. Pero minsan nangyayari yan dahil sa mga di marunong talagang tumawid. Hindi yung matatandang matitigas ang ulo kundi yung mga bata halimbawa na talagang maliliit pa na di dapat pabayaan. Kahapon lang nakabundol ako. Hindi ng bata. Ng aso. 

Sinundo ko kasi yung asawa ko dun sa may terminal ng shuttle pauwi ng bahay. Kasama ko pa ang panganay kong anak. Sa uasual na daan namin ako nagmaneho. Diretso lang yun at medyo madilim. Wala ako nakikitang kahit sinong tao sa paligid. May dumaan na aso sa harap ko. Nakatawid naman at di ko natamaan. Tapos kaya pala siya tumatakbo ay may isa pang aso na humahabol sa kanya. At yun ang di ko naiwasan. Boom!

Binagalan ko ang takbo at tumingin ako sa likod ko ko kung ano nangyari sa aso. Nagulat ang asawa ko sa nangyari dahil di nya nakita ang nangyari. Ng makita ko na wala naman yung aso  sa kalsada, inisip ko na malamang ay di naman napuruhan dahil di naman din ako mabilis noon lalo na at kakapadaan ko nga lang dun sa isang aso na hinahabol nya. 


No dogs were harmed in taking this photo.


Papaandar na ko ng bigla na lang may sumigaw ng "Hoy" sa amin. Nakita ko 2 lalake. Naging 3, apat. Pasugod sila sa kotse. Binaba ko ang salamin at sabi ko, di ko naiwasan yung aso dahil tumakbo ng mabilis. Siya ang bumangga sa amin kung tutuusin. Itatabi ko na yung sasakyan para kausapin sila dahil nakagilid kami, galit na sumugod yung isa. Sabi ko kung aso lang problema, bakit naghahanap pa ata sila ng away. Sabi walang away daw pero bakit daw ako aalis. Sabi ko tingnan nila ang traffic at itatabi ko lang. May kasama akong bata kaya wag sila gagawa ng di maganda. 

Patawag na rin sana ako sa kaibigan kong pulis dahil di ko gusto ang nangyayari. Maya maya ay lumapit yung matandang lalake na kasama nila. Tinanong ko kung sino ba yung may ari ng aso. Siya raw yun. Bumibili siya sa tindahan at yun nga at humabol yung 2 aso sa kanya. Sabi ko nakita nya naman ang nangyari at hindi ko halos kasalanan yun. Unang una, di dapat pagala gala ang aso sa kalye ng ganon ganon lang. Sabi nya oo nga eh pero napilay daw ang aso nya. Sabi ko naman e sige eto na lang ang pampagamot sabay abot ng pera na lang para matapos na. Tinanong ko siya kung sino ba yung isang lalake na galit na galit at gusto kaming sugurin. Lasing daw yun at wag ko na lang pansinin daw. Sabi ko ay di puede kasi ang ganon. May kasama akong bata. Di naman ako tatakas. Kung tutuusin puede ko na takbuhan yung nangyari pero huminto ako para tingnan kung ano ang nangyari. Tapos ganon ang gagawin. Sabi ko rin ay patawag na ko sa pulis ng pagkakataon na yun dahil di maganda ang pinakita ng kasama nya na hindi naman pala may ari ng aso. Pagpasensyahan ko na lang daw at siya na ang bahala. At umalis na kami.Ewan ko lang kung ipagamot pa nila din yung aso. Sana naman. Baka kasi kung napuruhan pa yun, e baka pinulutan pa nila at pinambili ng toma yung binigay ko. Baka lang naman pero malaki ang tsansa.

Di ko pa rin makalimutan ang itsura nung lalake na yun. Nanlalaki ang mata sa pagduro duro pa sa amin. Kung may bato pa siguro na nadampot, baka binato pa kami. Nakakatakot. Oo nga at aso yun. Pero para umakto sila ng ganon dahil sa nangyari, naiisip ko tuloy na valid nga siguro yung rason ng mga tumatakbo sa nasagasaan nila lalo kung tao at sa ganong uri ng lugar. Hindi pa yun yung tipo ng magulong lugar talaga pero yung matyempo ka sa mga umpukan ng lasing, lalo may kasama kang bata, imbes matulungan yung nasagasaan, uunahin pa nilang kuyugin yung nakasagasa.

Sa kabilang banda, buti na rin naranasan ko yung ganito. Iba pala yung ganong pangyayari. Yung may biglang tatawid na hindi ka na makakapreno. Kahit anong ingat mo, mangyayari pa rin. Kaya sana yung mga tumatawid, matuto ring tumingin muna bago humakbang. Maraming pagkakataon kasi, yung driver naman ay walang kasalanan pero dahil sa batas sa bansa natin, kung sino nasa manibela, sila na agad ang may kasalanan kahit pa yung tumawid o yung taong nasagasaan ang may kasalanan tulad nga nung isa kong kwento tungkol din dito na ako naman ang nakawitness ng pangyayari.

Nakaka trauma din. Pero may isa pang nakakatrauma na nangyari sa amin nung Sabado. Saka ko naman ikkwento yun.

No comments:

Post a Comment