Yung paglalaro sa kalye nung bata ako, tingin ko malaking tulong kung kaya kahit papano ay healthy ako kumpara sa mas maraming bata ngayon na hindi naranasang marumihan, mainitan ng araw o magtatakbo at pawisan sa kalye. Yun din madalas sabihin ng mga matatanda ngayon. Pero bakit ganon, di ba sila din naman yung nagpalaki sa mga nagkaroon ng mga bagong anak ngayon? Di ba nila yun itinuro sa kanila?
Isang beses, galing ako sa bahay ng mga magulang ko papasok ng trabaho. Panggabi ako. Iniwan ko yung sasakyan dun at magcocommute na lang ako papasok para tipid. Pagdating ko sa kanto, may 3 batang na naglalaro ng habulan. Sa may tabi ng highway. Nanliliit ako sa bawat takbo nila. Lumalampas kasi sila sa kalsada mismo. Blind curve pa naman yung daan dun sa may kanto namin. Sa kaba, pinagsabihan ko sila na wag dun tumakbo. Malawak pa naman yung sidewalk at yung harapan nung mga saradong store kaya wag na sila lumampas. Hindi ako pinakinggan. Siguro mga nasa edad 9-12 yung mga bata.
At tulad ng kinakatakot ko, pagtakbo ng isang batang lalake, saktong may parating na tricycle. Nabundol ang bata mula sa likod. Nauntog pa ito sa mismong side car. Buti na lang di gaano mabilis ang takbo ng tricycle. Bumaba yung driver at kinumusta yung bata. Lumapit ako at inis na inis na rin sa nangyari dahil nga sa kakulitan ng bata at di pakikinig sa paalala ko. Paalis na sana yung driver pero sabi ko baka may damage yung bata, dapat mapacheck muna sa hospital. Sabi ko naman sa mga kasama ng bata, tawagin yung magulang nung naaksidente para malaman yung kalagayan.
Dumating maya maya yung nanay at nakaharap yung driver. Pinaliwanag nung driver yung nangyari. Habang naguusap sila, nagsalita na rin ako at sinabi ko na di kasi nakikinig yung mga anak nila at buti na lang ay di napuruhan yung anak nya. Sabi sa kin nung nanay "e kayo tong may hawak ng manibela e". Nagulat ako sa reaksyon nya. Sabi ko, ale, hindi ho ako ang driver. Witness lang ako at ako nga yung pumigil sa driver na umalis at pinatawag ko kayo dito. Di pa rin tumigil sa pagtaas ng boses yung ale.
Nainis na rin ako at nagtaas ng boses. Sabi ko, e kung yung anak nyo ay natutong makinig at hindi naging bastos nung pinagsasabihan ko, hindi mangyayari yan. At pasalamat pa sila at di ko iniwan yung anak nya at baka nabalian yan at natakbuhan ng driver, ano na lang gagawin nila.
Hindi ko ineexpect magpasalamat sya pero ang ginawa pa nya ay kabaligtaran. Sinigawan pa ko at sinabihan na lasing daw ata ako at bakit ko siya pinapakialaman. Di naman daw pala ako ang nakabangga. Maya maya dumadami sila. May isa pang kapatid nya na babae din na dumadakdak. Yung mga kapitbahay nila sa area na yun sa may kanto, naglabasan na rin. Kulang na lang e kuyugin ako. Siguro namukhaan din ako ng iba kaya di nangyari yun. Dun din kasi sa lugar na yun ako lumaki. Pero gigil na gigil na talaga ako. Ako na nga ang nagmalasakit, ako pa ang pinagtutulungan. Kung hindi lang babae yun, baka nasapak ko na. May dumaan maya maya na isa pang tricycle at kilala ko yung driver. Si Manong Lando, yung pinsan ng mga barkada ko na kadalasang kainuman din ng tatay ko. Nakita nya ang nangyari at isinakay na lang ako sa tricycle nya at inilayo sa sitwasyon.
Mahirap na raw awatin yung mga yun at di talaga gumagamit ng isip. Kaya wala ako magagawa kahit anong rason. Gigil na gigil pa rin ako hanggang sa trabaho ko. Kinabukasan, sinabi ko yung mga nangyari sa magulang at mga kamag-anak ko. Kilala pala ng katrabaho ng tito ko yung nanay na nang-away sa kin. Pinagsabihan nya at hiyang hiya daw yun nung naipaliwanag kung ano ang nangyari. Nakinig yung ale dun sa katrabaho ng tito ko dahil may posisyon ata yun dun sa samahan nila sa lugar. Pero tapos na ang lahat, di ko na din maalala nga yung itsura ng ale na yun kung makasalubong ko man siya.
Masakit pag nasasabihan ng iskwater. Lalo na kung tatawagin pang utak iskwater. Yan kasi ang naging comment ng ilan sa mga taong nakwentuhan ko ng ganitong pangyayari. Siguro kasi dun sila nakatira sa lupang di naman kanila. Pero tingin ko unfair na tawaging utak iskwater ang mga nakatira dun na ang ibig sabihin ay makitid na pang-unawa. Marami sa kanila ay disente ang pamumuhay. Marami sa kanila ay kaibigan ko. Maging yung tumulong sa kin na tricycle driver at yung kumausap dun sa ale ay mga kakilala ko at dun din nakatira. Ilan sa mga kababata ko, karamihan kung tutuusin, ay dun din lumaki. Nabalitaan ko na may iba sa kanila nalulong na sa bisyo at may mga nakulong pa nga. Pero marami sa kanila ang natuwa ako dahil umasenso na rin sa buhay dahil sa pagsisikap.
Yung mga kalaro ko sa kalye nung bata ako, iba iba na rin ang sitwasyon namin ngayon sa buhay. Marami naman sa kanila hanggang ngayon nakakausap ko pa rin. Masaya yung mga pangyayari nung bata ako. Yun ay dahil sa mga nakasama ko. Dun sa mga taong yun umikot ang kabataan ko. Simple lang ang tinakbo ng buhay ko nun at hanggang ngayon, dala dala ko yun. Ultimo mga basura na tulad ng balat ng sigarilyo at candy, tansan, mga piraso ng kahoy, lumang gulong at kung ano ano pa ay masaya na kaming paglaruan. Yan yung sinasabing simple para sa kin. Simple dahil kuntento kami ng mga panahon na yun. Kung yan ang pagiging utak iskwater, naging ganon din ako minsan. At hanggang ngayon, ganon pa rin naman ako kadalasan.
No comments:
Post a Comment