Friday, September 12, 2014

Suicide, Abortion, American Pie at Iba Pang Kwentong Pambata

R18, Parental Guidance, General Patronage, yan yung mga salita na unang una mong mababasa sa mga sinehan kasabay ng mga titles ng pelikula. Dyan mo kasi malalaman kung puede kang makapasok o hindi sa palabas. Nung mag-e-18 ka na, malamang ay excited ka nang pumasok sa mga sinehan para panoorin ang mga R18 na pelikula. Pero marami naman e nakakalusot kahit di pa rin talaga 18 dahil mukha kang mature sa edad mo. Pero may pagkakataon naman na kahit 18 ka na ay di ka pa rin papapasukin kung wala kang id at mukha kang nene o totoy pa rin.

Nangyari ito minsan nung college kami. Kasama ko ang aking ex-gf, na misis ko na ngayon kaya ex na, sa SM Sta. Mesa para manood ng sine. Ang papanoorin sana namin ay American Pie (2 or 3 ata). Oo, R18 siya dahil may mga topics at eksena dun na hindi pambata. 2nd year college na kami nun at 2nd sem na. 19 na nga kami nun. Nakabili kami ng ticket, so ok na dapat. Nung papasok na ng sinehan, hinarang kami. Ang sabi ay di daw kami puede dahil R18. Ewan ko ba kung bakit hindi namin dala ang ID namin nun. Naiwan ata sa boarding house ni ex-gf/wife ko. Sabi ko 2nd yr na kami at 19 na nga. Pero ayaw talaga kami papasukin. Sabi ko pano na ticket namin. Iba na lang daw panoorin namin, puede naman daw yun. Di pa kasi uso nun sa SM ang may reserved seats. So ayun, di ko na maalala kung anong palabas ang nilipatan namin pero nakakaasar din kasi American Pie lang naman yun di ba? At di naman kami mukhang high school o elementary para harangin pa. Pero siguro nga masyado lang kaming baby face kasi. Pero ok na rin kasi kahit papano ginagawa ng mga tao sa sinehan ang trabaho nila ng maayos para protektahan ang mga manonood.



Marami naman sa paligid natin na mas malala pa kung tutuusin kesa sa mga napapanood sa R18 na pelikula. Lalo ngayon sa mga social media na lang na di na nafifilter kung sino ang naglologin at ano ang pinopost sa wall. At marami ring mga bata na wala pa sa tamang gulang pero may mga account na. Pero hindi naman din ibig sabihin nito e dapat nang alisin ang pag-censor sa mga palabas sa tv o sine. Kaso sa nangyayari ngayon, ang hirap na dahil minsan dun pa sa mga di mo inaasahan makikita o maririnig yung mga bagay na di pa dapat sana ma-expose ang mga bata.

Nung highschool ako, meron akong teacher na nagkwento tungkol sa pagsuicide ng kapitbahay nila. 2nd year pa lang ata kami non. Tingin ko nun matanda na ko pero kung sa pananaw ko ngayon, bata pa pala ang isang 13 o 14 yrs old. At bukod sa pagkwento, pinakita pa nya ang picture ng nagbigti. Picture talaga, di pa uso nun ang mga digital camera at cellphone. Ang reaksyon namin syempre, mga nagulat. Nakalabas dila nung binata habang nakabigti pa. Kulay pula pa nga ang tshirt nya nun. Mga babae kong classmate, nag-tilian pa ang iba. Mga bata pa syempre at di pa ganon kalaganap ang internet na kung saan ay ginawa na lang normal ang mga ganoong eksena. Ang teacher ko naman, parang di ata naisip na iba epekto sa ming mga bata pa noon. Nagalit pa siya at ang aarte daw namin. Siguro rin kasi ang trato nya eh matanda na kami pero kung titingnan ko ngayon, e parang tinrauma pa nya ang iba sa amin. Bihira lang kasi talaga ang ganoong eksena nung bata kami.




May isa pa kong teacher noon. May pagkamahilig din ata ayon na rin sa naririnig ko sa mga babaeng estudyante. Nakakaoffend na kasi minsan ang biro nya. Bakit nga ba di naisumbong yun? Pero tapos na yun eh. Di na ata nagtuturo. Naalala ko lang ng binanggit nya sa min ang patungkol sa abortion. Sang ayon daw sya dun. Ang dahilan, unwanted daw kasi ang nabuo sa umpisa pa lang. Kaya kung unwanted, dapat daw puedeng alisin. Bata pa kami nun. Di namin alam irereact. Walang sumagot. Pero buo sa isip ko na mali yung abortion. Pero ang gulo ng rason nya, di ko maintindihan kung bakit nya sinabi yun. At di naman yun ang dapat na topic ng subject namin. Review para sa NSAT exam yun. Di ko na lang pinansin masyado. Basta nagreview na lang ako. At nakapasa naman ako, at ako pa nga ang nag top dun sa school namin. Pero di ko pa rin nakakalimutan ang sinabi ng lokong teacher na ito.

Ngayon isa na rin akong tatay. Maliliit pa anak ko kaya kontrolado ko pa ang mga impormasyong makakarating sa kanila. Pero di ko rin alam. Pag umaalis kami papuntang trabaho at naiiwan ang mga yaya, ano kaya pinapanood sa tv? Ano kaya pinag uusapan nila? Ang hirap. Kaya sana nga eh dumating yung punto na kaya na namin kahit ako na lang nagttrabaho at asawa ko ang nasa bahay. Pero pag laki nila, mag-aaral na rin sila at di namin sila mababantayan din sa lahat ng oras. Puedeng mag Homeschool pero di ko rin sure kung kaya namin. Pero kahit ano naman gawin siguro nating pagtatakip sa mga bata, makakakita at makakakita sila ng di magandang bagay sa paligid. Nasa sa atin na lang talaga yan kung uunahan na natin ng magagandang values na ikatitibay ng karakter nila pasimula pa lang. 

No comments:

Post a Comment