Halos mamatay ako sa hiya at sa inis ng nangyari sa kin ito. Maraming beses na rin siguro kayong nakaranas na mapahiya sa mga bagay na di ninyo naman ginawa pero para matapos na lang ay di na kayo nakipagtalo pa. Isang lola ang nagalit sa akin dahil daw manyakis ako sa loob ng Mercury Drugstore sa Antipolo.
Papunta ako ng Baguio nun kasama ang ex-gf ko (na misis ko na ngayon). Sasakay ako ng fx pa Cubao at dun kami magkikita sa terminal ng Victory Liner. Nagsimba muna ako dahil araw ng linggo yun at pagkatapos ay dumaan muna ko sa Mercury para bumili ng chichirya na puedeng kutkutin sa mahabang byahe ng bus. Ang bitbit ko ay isang malaking backpack na puno ng laman. Dahil sa laki ng bag ko ay masikip para sa akin ang eskaparate ng mga paninda. Kailangan kong manggilid para lang makadaan.
Ng makita ko na ang isa sa mga bibilhin ko, dumaan ako, gumilid at yumuko para kumuha sa nakita kong display ng mga supot ng V-Cut. Subalit may nakatayong isang ale na nasa idad 65 pataas na nakatayo sa may gilid na di sinasadyang tamaan ng bag sa kanyang bandang ibabang likuran na bahagi. Oo, sa may puwet. Hindi ko rin naramdaman dahil bahagya lang ang pagtama. Bigla na lang siya nagsisigaw at nageskandalo. Sinabihan ako na manyakis daw ako. Nung una ay di ko nga alam na sa kin pala nagagalit. Akala ko ay may iba siyang kaaway. Humingi ako ng paumanhin ng nalaman kong ako pala ang nakatama sa kanya. Sinabi kong di ko sinasadya. Pero ayaw tumigil ng matanda.
Hanggang lumakas ng lumakas ang boses nya at nagtinginan na ang mga tao sa amin. Lumapit na ang guwardiya. Mukhang naiintindihan naman ng guard ang nangyari at sinabi ko na di ko sinasadya at yung bag ko na malaki ang tumama at wala sa intensyon ko yun. Sa inis ko, kahit may paggalang ay sinabi ko sa matanda na mukhang kakasimba lang nya,sana naman ay konting hinay lang. Pero ayaw tumigil. Hanggang lumabas na lang ako ng tindahan ng inis na inis at hiyang hiya. Wala akong kalaban-laban. Talagang galit na galit si lola at walang balak makinig sa paliwanag. Hindi ko na rin binili ang mga kinuha ko.
Nalilito pa rin ako kung ano ang lesson sa nangyaring iyon. Ang gumalang at di sumagot sa matanda? Ang wag magdala ng malaking bag? Wag bumili ng V-Cut sa Mercury Drug? Siguro, yun ay yung kahit alam mong nasa tama ka, may ibang tao talaga na di tatanggap ng rason at ang magagawa mo na lang ay talikuran. At wag na ring isipin ang sasabihin ng ibang tao, dahil kung mayroon man silang pang-unawang malalim, panigurado alam naman nila kung sino ang tama o ang mali.